Binakbakan ni Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga ang business tycoon na si Enrique Razon matapos siyang sampahan nito ng reklamong two counts of cyberlibel.
Sa video message na inilabas ni Barzaga nitong Miyerkules, Enero 14, 2026, iginiit niyang bagama’t saksakan ng yaman si Razon, ay nananatili pa rin daw itong mahirap sa mata ng Diyos.
“Enrique Razon may have all of our country's wealth at his disposal but he is poor and empty in the eyes of God,” ani Barzaga.
Saad pa niya, buo raw ang loob niyang labanan si Razon.
“We will fight corruption until the end in the face of imprisonment and death,” saad ni Barzaga.
Dagdag pa niya, “We shall stand against this evil that plagues our beloved nation. Let justice be done.”
Matatandaang nitong Miyerkules din ng tuluyang magsampa ng reklamong cyberlibel si Razon laban kay Barzaga bunsod ng mga tirada ng naturang kongresista sa kaugnayan umano niya sa ilang mambabatas.
Ayon sa naging pahayag ni Barzaga sa kaniyang Facebook post noong Enero 6, diretsahan niyang sinabing tumanggap umano ng "bribe" ang mga mambabatas na miyembro ng NUP kapalit ng pagsuporta nila kay Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
“NUP Congressmen received bribes from Enrique Razon in various gatherings in Solaire prior to the 2025 elections in exchange for supporting Speaker Martin Romualdez,” mababasa sa post ni Barzaga na ngayo'y burado na.
KAUGNAY NA BALITA: 'Two counts pa!' Enrique Razon, sinampolan ng cyber libel case si Rep. Barzaga