January 26, 2026

Home BALITA

Castro kay Magalong: 'Huwag niyang pangunahan kung ano'ng nasa isip ng Pangulo!'

Castro kay Magalong: 'Huwag niyang pangunahan kung ano'ng nasa isip ng Pangulo!'
Photo courtesy: RTVM/YT, Bongbong Marcos/FB, Benjie Magalong/FB


Diretsahang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na huwag pangunahan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang iniisip ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kaugnay ito sa mga naunang pahayag ni Magalong kaugnay sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), kung saan binigyan niya ng “3 out of 10 rating” ang komisyon at itinatawag niya rin ang abolisyon nito.

“Siguro po, muli, kay Mayor Magalong, huwag niya naman muna pong pangunahan kung ano’ng nasa isip ng Pangulo,” saad ni Castro sa press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Enero 14.

Dagdag pa niya, “Sa ngayon po, nandiyan po ang tiwala ng Pangulo sa ICI. Ang nais lang din po ay mapanagot ang lahat ng [dapat] mapanagot. Walang sinisino, walang kinikilingan.”

Pinayuhan din ni Castro na huwag na lamang pakinggan ang sinasabi ng iba patungkol sa ICI, sapagkat nandoon pa rin naman daw ang tiwala ng Pangulo.

“Hayaan na lang po natin muna kung ano po ang mangyayari sa ICI dahil sa ngayon po, ang tiwala ng Pangulo sa ICI ay nandidiyan pa rin po,” aniya.

“So kung ano man po ang sinasabi ng iba, hayaan na natin at huwag pangunahan ang Pangulo,” pagtatapos niya.

Matatandaang may nauna nang patutsadahan ang dalawa kaugnay pa rin sa isyu ng ICI.

KAUGNAY NA BALITA: Mayor Magalong, may buwelta sa mga pahayag ni Usec. Castro hinggil sa pagiging ICI special adviser-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA