Naglabas ng pahayag ang Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos ipag-utos ang pag-aresto sa negosyanteng si Atong Ang at iba pang kasamahan nito dahil sa pagkakasangkot sa mga nawawalang sabungero.
Sa latest Facebook post ng DILG nitong Miyerkules, Enero 14, tiniyak nila sa pamilya ng mga biktima na gugulong ang pagsisiyasat nila sa nasabing kaso.
“Ito ay isang patunay na ang hustisya ay umiiral at gumugulong sa ating bansa,” saad ng ahensya.
Dagdag pa ng DILG, “Ito ay bunga ng pagsisikap ng ating justice system, mula sa law enforcement hanggang sa hudikatura, na ipagtanggol ang karapatan at kapakanan ng bawat Pilipino, lalo na ng ordinaryong mamamayan.”
Matatandaang naglabas na ng warrant of arrest ang Regional Trial Court (RTC) Branch 26 sa Sta. Cruz, Laguna laban kina Atong nito ring Miyerkules.
Maki-Balita: Walang piyansa! Atong Ang, iba pa pinapaaresto na
Nauna nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) noong Disyembre 2025 na nakitaan ng panel ng mga piskal ang kaso ng "prima facie evidence" at may makatwirang posibilidad ng hatol na pagkakasala laban kina Ang at sa kabuuang 21 katao.
Kaugnay na Balita: 'May sapat na ebidensya!' DOJ, aprub sa kaso laban kay Atong Ang, iba pa dahil sa lost sabungeros
Bago ito, lumantad sa publiko noong Hulyo 2025 ang saksing si Julie "Dondon" Patidongan para patotohanan ang tungkol sa umano'y pagtatapon ng mga bangkay ng missing sabungero sa lawa ng Taal sa Batangas.