January 23, 2026

Home BALITA

Sarah Discaya, atbp., naghain ng 'not guilty plea' sa Korte

Sarah Discaya, atbp., naghain ng 'not guilty plea' sa Korte
Photo courtesy: via MB

Naghain ng “not guilty plea” ang kampo ng kontratistang si Sarah Discaya at kasama niyang siyam (9) na iba pa sa Korte kaugnay sa umano’y aabot na ₱96.5 milyong halaga ng “ghost” projects sa Davao Occidental.

Ayon sa mga ulat nitong Martes, Enero 13, humarap sina Discaya, Maria Roma Rimando na siyang Presidente St. Timothy Construction, at walong (8) iba pang opisyal ng Department of Public Works and Highways sa kanilang arraignment sa Regional Trial Court Branch 27 sa Lapu-Lapu City.

Sa parehong pagdinig ding ito, naghain umano ng not guilty plea ang mga nasasakdal laban sa mga kasong graft at malversation of public funds na kinakaharap nila kaugnay sa nasabing anomalya ng flood control projects.

Sa kabila nito, ibinasura umano ni Lapu-Lapu City RTC Branch 27 Judge Nelson Leyco ang hinaing Motion to quash ng kampo ni Discaya at iba pa.

Metro

Sec. Dizon, tiniyak maiibsan lagpas-taong baha sa Araneta, QC bago ang tag-ulan

Samantala, hindi naman umano humarap sa media sina Discaya at iba pang mga nasasakdal.

Magpapatuloy ang pagdinig nila sa Korte sa darating na Pebrero 3, 2026.

Matatandaang isiniwalat sa publiko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang natuklasan umano nilang hindi nagsimulang flood-control projects sa Culaman, Jose Abad Santos sa Davao Occidental noong Disyembre 5, 2025.

MAKI-BALITA: 'Marami pang magpapasko sa kulungan!' PBBM, aaksyunan natuklasang ghost projects sa Davao Occidental

Anang Pangulo, aabot daw sa ₱100 milyon ang ipinagkaloob na budget noon sa St. Timothy Construction Corporation ngunit hindi kailanman nasimulan at natapos ang nasabing proyekto.

Lumalabas daw na peke ang mga dokumento, certificate, at inspection report na ibinigay ng mga nasabing sangkot para pabulaanan ang proyekto.

Ani PBBM, mayroong mga pribado at kilalang mga indibidwal ang sangkot sa nasabing anomalya sa proyekto kabilang na sina Sarah Discaya, Maria Roma Angeline D. Rimando, at iba pa.

MAKI-BALITA: Sarah Discaya, sumuko sa NBI kahit 'di pa nalabas arrest warrant na iniulat ni PBBM

MAKI-BALITA: 'Paano mga anak ko?' Sarah Discaya, takot mawalay sa pamilya 'pag nakulong

Mc Vincent Mirabuna/Balita