January 26, 2026

Home BALITA National

'Niloloko na nila tayo!' Cendaña nanggagalaiti sa pa-'not guilty plea' nina Sarah Discaya, atbp.

'Niloloko na nila tayo!' Cendaña nanggagalaiti sa pa-'not guilty plea' nina Sarah Discaya, atbp.
Photo courtesy: HOR/FB via Balita, MB


Hindi napigilan ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña na magkomento matapos maghain ang kampo ng kontrobersyal na kontratistang si Sarah Discaya ng “not guilty plea,” kaugnay sa pagkakasangkot nito sa umano’y ghost projects sa Davao Occidental, na tinatayang aabot sa ₱96.5 milyon ang halaga.

MAKI-BALITA: Sarah Discaya, atbp., naghain ng 'not guilty plea' sa Korte-Balita

Sa ibinahaging pahayag ni Cendaña sa kaniyang social media post nitong Martes, Enero 13, mababasa ang diretsahan niyang mga patutsada kay Sarah Discaya.

“Not guilty talaga? Eh sing peke nga nung British accent niya 'yung flood control projects nila sa Davao Occidental,” saad ni Cendaña.

Giit pa niya, “Nagturo na siya ng mga kasabwat nila sa Blue Ribbon. Umamin na siya na may mga anomalya. Tapos not guilty? Hindi man lang nga nasimulan 'yung projects. Niloloko na nila tayo rito oh."

Matatandaang ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang video statement kamakailan na natuklasan ng Office of the Ombudsman ang isa umanong flood control project sa Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental, na hindi kailanman nasimulan—kahit pa ito’y pinagkalooban ng ₱100 milyong pondo.

“Ito ay may halaga na halos ₱100 milyon at ipinagkaloob noong 2022 sa St. Timothy Construction Corporation. Ayon sa imbestigasyon, ang proyektong ito na sinasabing natapos noong 2022 ay hindi kailanman nasimulan,” ani PBBM.

MAKI-BALITA: 'Marami pang magpapasko sa kulungan!' PBBM, aaksyunan natuklasang ghost projects sa Davao Occidental-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA