Ipinatulfo ang aktor na si Nikko Natividad ng kaniyang kasambahay.
"Wala man ako [TV] guesting. Na-guest naman ako sa [Tulfo]," saad ni Nikko sa kaniyang Facebook post no'ng Lunes, Enero 12.
Nag-ugat ang pagpapa-Tulfo ng kasambahay ng Pamilya Natividad na si Mary Ann Baginan dahil sa Facebook post ni Nikko.
Sa naturang post ng aktor, ibinahagi niya na hindi na nagparamdam si Mary Ann matapos umanong bumali ng apat na buwan sa halagang P44,000.
At para sa awareness ng publiko, iginiit ni Nikko sa naturang post na wala nang kaugnayan si Mary Ann sa kanila.
"Sir Idol [Raffy], gusto ko pong malinis ang pangalan ko dahil sa pag-post sa akin," bungad ni Mary Ann nang matanong siya si Senador Raffy Tulfo sa programa nitong "Raffy Tulfo in Action."
Umalis si Mary Ann noong Disyembre 23, 2025 at nakatakdang bumalik noong January 3, 2026 dahil nasa Japan noon si Nikko kasama ang anak at misis nito.
Sabi ni Mary Ann, may balak daw siyang bumalik sa mga amo niya pero may kinailangan lang daw siyang ayusin sa barangay nila at aniya pinagbibintangan daw siya ng kapitan ng barangay na nagtitinda raw ng droga.
Sa parte ni Nikko, sinabi niyang pauwi na raw si Mary Ann sa kanila bigla na lang daw itong hindi nagparamdam, kaya raw nag-post siya sa Facebook.
"Kaya po ako nag-post Senator Raffy kasi on the way na po siya sa amin, pauwi na, bigla na lang pong hindi siya nagparamdam, kapag tinatawagan siya pinapatay niya, tapos no'ng nag-message po 'yong wife ko sini-seen na lang niya. So, madaling salita, tinakbuhan na niya talaga kami," ani Nikko.
Dagdag pa niya, "Kaya po ako nag-post after 5 days kasi nag-post siya na nasa Tulfo siya. So, nag-post ako for awareness."
Malakas din daw kutob niya na hindi na mababayaran ang binaling P44,000 dahil hindi na nga umano nagparamdam ang kasambahay.
Depensa ni Mary Ann, pinatay niya raw ang cellphone niya dahil inagaw daw ito ng kapitan.
"Pinatay ko po 'yong cellphone ko sir kasi inagaw po ito ni kapitan e," aniya. "Kasi nandito po lahat ng video niya."
Bagama't sinabi ni Nikko na "seen" na ang message sa messenger, sinabi ni Mary Ann na hindi niya nabasa ito.
Giit ni Mary Ann, hindi raw siya tumatakbo. Inaayos lang daw niya ang problema sa barangay.
Saad ni Sen. Raffy, kahit na gusto niyang tumulong sa kagaya ni Mary Ann na kasambahay, pero ang may problema raw dito ay mismong si Mary Ann.
"Dito base sa mga narinig ko, so far, mukhang kayo po yata ang may problema. Mabait po ang amo n'yo," sabi ni Sen. Raffy kay Mary Ann.
Aminado naman si Mary Ann na mabait ang mga amo niya.
"Opo. Aminado po akong mabait. Kaya nga po ang inaano ko po, bakit naipost ni Sir [Nikko]," saad ng kasambahay.
Sa huli, hindi natulungan ng Raffy Tulfo In Action si Mary Ann dahil ito mismo ang may mali.
"Ma'am Mary Ann, wala kaming magagawang tulong sa'yo dahil ikaw talaga ang may mali. Alam ko sinubukan mo kaming gamitin dahil akala mo makakalusot ka e kami naman dito patas. Pinapakinggan namin both sides," anang senador.
Dagdag pa niya, "Nakita ko rin naman po 'yong post, wala namang masama doon. Facts lang 'yong binabanggit doon."