Nakakakilig nga ba kung isasama mo ang boyfriend o girlfriend mo habang nagkakatrabaho ka?
Para sa maraming netizen, hindi cool o nakakakilig ang ganiyan, matapos batikusin online ang isang babaeng nurse sa China, na isinama ang kaniyang boyfriend habang naka-duty siya sa trabaho.
Sa ulat ng South China Morning Post noong Lunes, Enero 12, sinuspinde sa trabaho ang nabanggit na healthcare worker matapos payagan ang kaniyang boyfriend na samahan siya habang naka-duty sa night shift at hayagang ipakita sa publiko kung paano siya tinutulungan nito.
Batay pa sa ulat, nagtatrabaho ang nurse sa isang ospital sa Qingdao, lalawigan ng Shandong sa silangang bahagi ng China.
Ibinahagi ng nurse sa social media ang video nila ng boyfriend noong Enero 2, 2026.
“Me and my night-shift buddy,” mababasa sa caption ng post.
Bida pa ng nurse, pang-araw ang trabaho ng kaniyang nobyo at madalas umano itong sumasama sa kaniya kapag siya ay naka-duty sa gabi.
Makikita sa mga kuhang video na ilang beses ngang kasama ng lalaki ang nurse sa loob ng ospital, dahil iba-iba ang suot nito sa magkakaibang video.
Sa mga viral na footage, nakitang nagsusulat ang nobyo ng medical reports ng mga pasyente para sa girlfriend niyang nurse, humahawak sa computer sa nurses’ station, naghahanda ng mga gamot, at naglalagay ng label sa mga intravenous bottles, na pawang mga gawaing malinaw na para lamang sa awtorisadong medical staff.
Dahil dito, kumalat at nag-viral ang video online, na agad namang nagbunsod ng galit at pagkondena mula sa publiko.
Katwiran ng mga netizen, bakit umano nakikipag-date o "nakikipaglandian" ang nurse sa oras ng trabaho, at kinuwestyon kung paano siya nakakapagpokus sa kaniyang tungkulin lalo’t kasama niya ang partner, at panay kuha pa siya ng video.
Samantala, sinabi ng spokesperson ng ospital sa media na alam na nila ang insidente at ito ay kanilang iniimbestigahan.
"We saw her video. There is something wrong with her brain," pahayag ng spox.
"This is not a small issue. We will handle it seriously.”
Saad naman ng mg awtoridad, "We should obey the bottom line on medical safety to protect the health of patients. We will punish any rule-breaching activities seriously."
Dahil dito, suspendido sa kaniyang trabaho ang nurse dahil sa paglabag sa "work discipline."