Ipinaalala ng Department of Health (DOH) sa publiko ang mabilis na pagkalat ng “super flu,” na sumasabay sa kasalukuyang malamig na panahon.
Sa panayam ni DOH Spokesperson Asec. Albert Domingo sa media nitong Lunes, Enero 13, ipinaliwanag niya na ang super flu o “Subclade K” ay variant ng Influenza A. Bagama’t katulad ng pangkaraniwang trangkaso na may mga sintomas ng lagnat, ubo, sipon, at pananakit ng katawan–ang super flu ay mas mabilis na nakakahawa.
“Ang super flu o ang tawag nami sa epidemiology, ‘Subclade K,’ ‘yan po ay isang variant ng Influenza A H3N2 J241. Ibig sabihin po niyan, pamilya siya no’n, hindi nagkakaiba ‘yong kaniyang sintomas na lagnat, ubo, sipon, at pananakit ng katawan. Ngunit ang pinagbago lang niya kaya siya binabantayan ay mas mabilis siyang makahawa,” paliwanag ni Domingo.
Aniya pa, umabot sa 63 ang tala ng mga tinamaan ng super flu sa bansa simula Enero 1 hanggang Disyembre 27 noong 2025.
Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na hindi naman daw ito ikinaaalarma ng ahensya dahil kadalasan ay nauuwi lamang ang super flu sa malatrangkasong sakit lamang at hindi kinakailangan ma-ospital.
Ayon rin daw sa obserbasyon ng World Health Organization, kayang-kaya lumaban ng flu vaccine ng bansa sa super flu.
Gayunpaman, abiso pa rin ng DOH sa publiko na ugaliin ang palagiang paghuhugas ng kamay, pagpapahinga sa bahay kung nakakaramdam ng alinman sa mga sintomas, magsuot ng face mask kung lalabas, at kumain ng mga prutas para lumakas ang resistensya laban sa flu.
Sean Antonio/BALITA