Nilinaw sa publiko ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na dapat daw i-report ng publiko ang makikita nilang mga politikong lalabag sa “Anti-Epal Law.”
Ayon sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Enero 13, sinabi ni Remulla na konkreto na sa Department of Budget and Management (DBM) at Office of the President ang batas tungkol sa umano’y “epal” na mga politikong ibabalandra ang kanilang mukha o anomang pagkakakilanlan sa mga proyekto sa publiko.
“Anti-Epal guidelines are enshrined already in the laws of the DMB and in the laws of the Office of the President,” pagsisimula niya.
Ani Remulla, dapat daw kunan ng larawan, i-post sa Facebook o social media ng taumbayan ang mga politikong makikita nilang lumalabag sa naturang batas para maimbestigahan ng awtoridad.
“Ang Anti-Epal naman ay klaro na. Kapag may violations ang mga politicians, ang tinatawag namin na mga mamamayan na picturan, i-post sa Facebook at puwede naming imbestigahan,” aniya.
Inisa-isa rin ni Remulla ang mga bawal na gawin ng politiko at mga dapat lang na ilagay sa mga proyektong ginawa ng gobyerno para sa publiko.
“Bawal ilagay ang pangalan na sila ang nagpagawa, bawal ilagay ang kanilang logo, bawal ilagay ang kanilang picture,” pag-iisa-isa niya.
Dagdag pa niya, “May basic guideline lang kung ano ang puwedeng ilagay doon: project, date awarded, date to started, contractor, date to be finish, at source of funds. ‘Yon lang.”
Pagpapatuloy niya, nakasalalay din daw sa taumbayan ang pagpapanagot sa mga politikong isinasalpak ang kanilang mukha sa mga proyektong ginawa mula sa pondo ng gobyerno.
“‘Yong Anti-Epal campaign, hindi po sa amin nakasalalay ‘yan kundi sa mamamayan. I-report nila para magawan namin ng aksyon,” pagtatapos pa ni Remulla.
Kaugnay ng General Appropriation Act (GAA) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang Anti-Epal Law bilang probisyon na mahigpit na nagbabawal sa mga politiko, maliban sa direktang administratibong awtoridad, na makialam o lumahok sa pamamahagi ng tulong pinansyal ng gobyerno, tulad ng DSWD's Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program.
Ipinagbabawal ng probisyong ito ang paglalagay ng pangalan, larawan, logo, o anomang simbolo ng mga opisyal sa mga signage ng proyekto.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga item na na-veto ni PBBM mula sa 'Unprogrammed Appropriations' ng 2026 nat'l budget
Mc Vincent Mirabuna/Balita