January 26, 2026

Home BALITA National

Atty. Claire Castro, nagreklamo sa NBI dahil nakatanggap umano ng pagbabanta

Atty. Claire Castro, nagreklamo sa NBI dahil nakatanggap umano ng pagbabanta
Photo courtesy: Usec. Claire Castro Office

Personal na nagtungo si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa National Bureau of Investigation (NBI) upang i-report ang pagbabantang natanggap umano niya mula sa isang Facebook page. 

Sa isinapublikong video ng opisina ni Castro nitong Martes, Enero 13, sinabi niyang kailangan umano niyang gawan ng aksyon ang naging pagbabanta sa kaniya mula sa isang facebook page na may ngalang  “Luminous Trixie Cruz - Angeles & Ahmed Paglinawan” noong Enero 2, 2026. 

“Sinabi kasi nila na ‘kapag nilaglag ka ng humans mo, appendix at coccyx mo lang ang walang latay, resulta ng mga pinaggagawa mo,’” pagbasa ni Castro sa sinasabi niyang post ng naturang page.

Photo courtesy: Luminous Trixie Cruz - Angeles & Ahmed Paglinawan (FB)

Photo courtesy: Luminous Trixie Cruz - Angeles & Ahmed Paglinawan (FB)

National

Mike Defensor, may hinuha sa di-pagtanggap sa impeachment complaint nila vs PBBM

Ani pa ni Castro, kailangan daw niyang i-report sa NBI ang nangyari sa kaniyang iyon upang mabigyan ng pansin ang umano’y mga taong nagpapalutang ng ganoon klase ng pagbabanta. 

“I really have to report this matter because if something happens to me, at least naka-report po ‘yung mga taong nagpapalutang ng ganitong klaseng grave threats,” pagdidiin pa niya.

Pagtutuloy ni Castro, balak lang daw niyang i-report sa awtoridad ang naturang pagbabanta at pag-iisipan raw muna niya kung magsasampa pa siya ng kaso dito.

“Sa ngayon po kasi, ang balak ko lang ay i-report. Kung magsasampa man ako ng kaso, pag-iisipan ko muna Kailangan ko lang kasing i-report para, at least nga, kung may mangyari sa akin, may mga tao silang puwedeng imbestigahan,” paglilinaw niya. 

Tila may takot pa rin daw na nararamdaman ngayon si Castro kaya nararamdaman niyang kailangan niya nang lumapit sa NBI. 

“At that time, of course, natakot kasi hindi ka naman sanay sa death threats, e. Pero kung sasabihin na appendix mo lang ang walang latay, iba ang ibig sabihin no’n. Meron itong pagbabanta sa iyong buhay, so ‘yon ‘yong naramdaman ko—at up to now, ‘yon pa rin ‘yong nararamdaman ko kaya kailangan ko na mag-report,” paliwanag niya. 

Ayon pa kay Castro, personal lang daw niyang kilala ang nagngangalang “Trixie Angeles” ngunit hindi niya alam kung sino si “Ahmed Paglinawan” na kasama sa pangalan ng naturang page na nagbanta sa kaniya. 

“Personally, ang kakilala ko lang naman si Attorney Trixie Angeles pero ‘yong Ahmad, hindi ko siya kilala personally. At nagkataon lang na inaamin naman yata nitong si Ahmed Paglinawan ‘yong kaniyang post but it happens kasi na itong Facebook account ay sa kanila pareho nakapangalan,” pagkukuwento niya. 

Paglilinaw pa ni Castro, nagsimula raw iyon nang ginawa niya at kumalat sa social media ang pagsasabi niyang tila kamukha umano ni Vice President Sara Duterte ang karakter na si “Chucky.” 

“When I made this ‘Chucky’ remark and then, ito, sila ‘yong nag-threaten sa akin,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: VP Sara, kamukha ng manikang si ‘Chucky’ 'pag galit!—Atty. Claire Castro

MAKI-BALITA: VP Sara, mas dapat ma-disbar sa sinabi, banta kay PBBM—Atty. Castro

Mc Vincent Mirabuna/Balita