January 26, 2026

Home BALITA National

‘Wag pabudol!’ Palasyo, nagpaalala sa BGC Boys sa umano'y pakikipag-ugnayan kay VP Sara

‘Wag pabudol!’ Palasyo, nagpaalala sa BGC Boys sa umano'y pakikipag-ugnayan kay VP Sara
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO, PCO (FB)

Nagbigay ng komento ang Malacañang tungkol sa umano’y isiniwalat sa publiko ng beteranong radio broadcaster at kolumnista na si Ramon Tulfo tungkol sa pakikipag-ugnayan ‘di umano nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) district engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza kay Vice President Sara Duterte. 

KAUGNAY NA BALITA: 'May ididiin!' Mon Tulfo, isiniwalat umano'y 'game plan' ng BGC Boys at kampo ni VP Sara

Ayon sa isinagawang press briefing ng Palasyo nitong Lunes, Enero 12, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na wala raw silang personal na kaalaman sa nasaad ni Tulfo. 

“Wala po kasi tayong personal na kaalaman sa kaniyang nabanggit. Hindi natin kilala ‘yong tweety bird ni Mr. Ramon Tulfo,” pagsisimula niya. 

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Ani Castro, huwag umanong magpabudol ang mga nasabing dating district engineers sakali mang totoo ang balitang pakikipag-ugnayan nila kay VP Sara. 

“Pero kung ito’y may katotohanan, sana man lang itong mga witnesses na ito na maaari talagang mayroong alam sa katotohanan, huwag silang magpabudol,” diin niya. 

Dagdag pa niya, “Dahil mayroong mga nakaraan na umaako sa maaaring maging kasalanan ng kapulisan. Pero ‘yong mga kapulisan, ang miyembro ng kapulisan, ang siyang nakukulong.” 

Pagpapatuloy pa ni Castro, maaari naman daw silang maging state witness kaugnay sa maanomalyang flood control projects kung totoong may nalalaman sila at depende sa kanilang qualification. 

“Sana huwag pabudol dahil ang kailangan po ng tao ngayon ay katotohanan. Maaaring sila pa ang mga susi upang lalo nating mapaglabanan ang korapsyon,” saad niya. 

“Kung sila ma’y makakatulong sa bansa, maaari naman silang maging state witness depende po sa kanilang qualification. Huwag lamang pong pabudol dahil kailangan sila ng bansa,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang sa Facebook post ni Tulfo noong Enero 10, 2026, sinabi niyang may “game plan” umano ang BGC Boys para isangkot ang ilang matataas na opisyal sa maanomalyang flood control projects ng DPWH. 

MAKI-BALITA:  'May ididiin!' Mon Tulfo, isiniwalat umano'y 'game plan' ng BGC Boys at kampo ni VP Sara

Ani Tulfo, nakikipag-usap umano ang kampo ng BGC Boys kina VP Sara para tulungang ma-acquit ito sa impeachment complaint laban sa kaniya at maging Pangulo sa susunod na national election.

Maaari daw makatanggap ng executive clemency mula kay VP Sara ang BGC Boys sakali mang maging Pangulo ang una sa 2028 dahil alam daw nilang sila rin ang madidiin at makukulong kaugnay sa flood control projects anomalies.

MAKI-BALITA: Palasyo vs DDS? Atty. Castro, tumirada sa maghahain ng impeachment complaint kay PBBM

MAKI-BALITA: 'Ang Pangulo ay walang Mary Grace Piattos!' Palasyo, binakbakan planong impeachment kay PBBM

Mc Vincent Mirabuna/Balita