Binanggit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Top 5 ng mga basurang pinakamadalas na makolekta sa Metro Manila, nitong Lunes, Enero 12.
Ang limang uri ng basura na madalas makolekta ay: upos ng sigarilyo, mga balat ng kendi, plastic waste, mga maliliit na kalat tulad ng tissue, tiket ng bus, resibo, at facemask; at mga kalat na nakapagdudulot ng obstruction tulad ng mga tarpaulin.
Ayon sa MMDA, ang naitala nilang datos ay batay sa Littering Apprehensions ng Health Sanitation Services Coordination and Assistance Division (HSSCAD).
Kaya paalala ng ahensya sa publiko na sumunod sa mga ordinansa ng mga lungsod hinggil sa tamang pagtatapon ng mga basura.
Anila pa, ang pagkakaroon ng disiplina sa lansangan ay malaking tulong para mapanatili ang kalinisan ng Metro Manila.
Matatandaang inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) ang ₱5,000 multa para sa mga mahuhuli na iligal nagtatapon ng kanilang mga basura sa pampublikong lugar, noong Setyembre 2025.
Saad ni Juan City Mayor at MMC President Francis Zamora, layon nitong hikayatin ang publiko para maging responsable at disiplinado sa pagtatapo ng kanilang mga basura.
Binanggit din ni Zamora na kahit isaayos ang mga drainage system sa mga lungsod, kung puro basura ang bumabara rito, mananatili pa rin ang problema ng pagbabaha.
“Kung hindi po natin didisiplinahin ang ating mga mamamayan at patuloy lang silang magtatapon ng basura sa ating mga ilog, mga creek ay paulit-ulit din nating mararanasan ang problema ng pagbabaha sapagkat base po sa ating karanasan, kapag nagbabaha sa ating mga lungsod at humupa na ang baha, anong naiiwan sa ating mga kalye? Tambak-tambak na mga basura,” ani Zamora.
MAKI-BALITA: ₱5,000 multa sa iligal na pagtatapon ng basura sa pampublikong lugar, kasado na sa Metro Manila
Sean Antonio/BALITA