Inanunsyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang pagkakatanggal sa serbisyo ng ilan pang mga direktor at engineer ng ahensya, nitong umaga ng Lunes, Enero 12.
Ang mga sinibak sa puwesto ay binubuo ng apat na regional directors (RD), dalawang assistant regional directors (ARD), at dalawang district engineers (DE).
Ang mga nasabing opisyales ay binubuo nina: Region 1 RD Ronnel M. Tan; Region 4A RD Jovel G. Mendoza; Region 5 RD Virgillo C. Eduarte; Region 7 RD Danilo J. Villa; Region 4B OIC (Officer-in-charge) ARD Neil C. Farala; at Region 5 OIC ARD Annie S. Dela Vega.
Sa district engineers naman, binubuo ito nina: Metro Manila 3rd DEO (District Engineering Office) DE Ruel V. Umali; at South Manila DEO DE Manny B. Bulusan.
Kasama rin sa anunsyo ni Dizon ang pagtanggal sa OIC district engineers dahil sa hindi pagpasa sa mga kwalipikasyon ng Civil Service Commission (CSC).
Ang OIC DEs na ito ay sina: La Union 1st DEO Sherylann Gonzales; Iloilo City DEO Roy Pacanan; at Leyte 4th DEO Peter Scheller Soco.
Ayon kay Dizon, opisyal nang epektibo ang pagkakatanggal ng mga nasabing direktor at engineers simula Enero 12, dahil kasalukuyan na nasa imbestigasyon ang mga ito.
Aniya pa, maglalabas ng bagong merit requirements ang ahensya para sa lahat ng opisyales ng DPWH, sa mga darating pang linggo.
Sa kaniya ring latest update, mayroon nang 12 na naaresto dahil sa kaugnayan nila sa mga anomalya sa flood control projects at 15 na binabaan ng warrant of arrest.
Habang ₱241 milyon naman ang pera na naibalik sa Department of Justice at ₱20.3 bilyon ang halaga ng frozen assets as of December 19, 2025.
Ibinahagi rin ni Dizon na patuloy ang pagkuha sa mga sasakyan na pagmamay-ari ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, na posible raw na ipa-auction ng pamahalaan.
Inanunsyo ng kalihim na sa darating na Martes, Enero 20, nakatakda siyang tumestigo sa kaso ni Co, sa Oriental Mindoro, at ipinangako niyang magbibigay siya ng update hinggil dito sa mga susunod pang linggo at buwan.
Sean Antonio/BALITA