January 24, 2026

Home BALITA National

Sa posibleng impeachment complaint: PBBM, tiwala, kumpiyansa raw sa Kongreso

Sa posibleng impeachment complaint: PBBM, tiwala, kumpiyansa raw sa Kongreso
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB, via MB


Tahasang ipinahayag ng Palasyo na “confident” si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na siya ay pinagkakatiwalaan pa rin ng Kongreso.

Kaugnay ito sa napapaulat na impeachment complaint na posibleng ihain umano laban kay PBBM, dahil umano sa “betrayal of public trust” hinggil sa paglagda ng “General Appropriations Act (GAA).”

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo, binutata pahayag na may impeachment laban kay PBBM-Balita

“Sa ngayon, tiwala pa rin po ang Pangulo na mayroon pong pagtitiwala rin sa kaniya ang mga mambabatas dahil hindi naman po gumagawa ng kamalian ang Pangulo,” saad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Lunes, Enero 12.

Giit pa niya, “Siya pa nga po ang pumrotekta—lalong-lalo na ng 2025 budget dahil bago po mai-release ang pondo, kinakailangan po may conditional implementation, at iyong tinatawag nating ‘for late release’—na maraming umalma at ang sinabi pa ito ay ‘first lady reject.’ So, pinangalagaan po ng Pangulo ang ating pondo.”

May pahayag pa ang press officer hinggil sa aniya’y mga matitinong mambabatas.

“Kaya sa mga matitino din po at maayos na mga mambabatas, alam po natin kung saan sila gagawi—gagawi sila sa matino at hindi sa mga kurakot,” anang press officer.

Binuweltahan din ni Castro sa parehong press briefing ang mga “Duterte supporter” na diumano’y nasa likod ng posibleng impeachment complaint laban sa Pangulo.

“Sa mga supporters po ng Bise Presidente na nagnanais po na magsampa ng impeachment complaint [sa Pangulo], mas maganda po siguro bago magturo at tumingin sa iba, tulungan muna nila ang idolo nila,” ani Castro.

MAKI-BALITA: Palasyo vs DDS? Atty. Castro, tumirada sa maghahain ng impeachment complaint kay PBBM-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA