Bumangga sa nakasalubong na kotse ang isang rider at angkas nito matapos tangkaing mag-overtake habang sakay ng motorsiklo sa Antipolo City nitong Linggo, Enero 11.
Dead on arrival sa Rizal Provincial Hospital Annex IV–Mambugan ang backrider na si alyas "Jun," 24, habang sugatan at nilalapatan ng lunas sa Quirino Memorial Medical Center ang rider ng motorsiklo na si alyas "Mike" dahil sa matinding pinsalang tinamo dahil sa aksidente.
Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Marcos Highway, na sakop ng Barangay Mayamot, sa Antipolo City.
Nauna rito, binabagtas umano ng motorsiklo ng mga biktima, na minamaneho ni Mike, ang Marcos Highway mula Pagrai patungong Masinag, nang tangkain nitong mag-overtake sa isang nauunang truck.
Gayunman, minalas na masalpok ito sa kasalubong na kotse na minamaneho ni alyas "Tommy."
Dahil sa tindi ng impact nang salpukan ay tumilapon ang mga biktima na nagresulta sa kanilang pagkasugat at kalaunan ay pagkamatay ng backrider.