Masaya na umano si Ultimate Heartthrob Piolo Pascual sa kasalukuyan niyang “love life.”
Sa panayam ni TV5 showbiz news reporter MJ Marfori kamakailan, naungkat ang sinabi ni Piolo tungkol sa lagi niyang sinasabi simula nang magsimula ang karera niya sa industriya.
Ito ay matapos mausisa kung ano ba ang nagtutulak sa kaniya na magpatuloy sa gitna ng napakarami niyang proyekto.
Aniya, “From the time that I started in this business, I always said na ‘yong love life ko kasi ‘yong career ko, e. So it always comes first.”
Nang tanungin siya kung okay na siya sa ganito, sagot lang ni Piolo ay bata pa naman daw siya.
“I’m just trying take on roles hanggang kaya. Hindi ko naman alam na tatagal ako nang ganito sa industriya, e,” dugtong pa ng Ultimate Heartthrob.
Tila naging suki na si Piolo sa Metro Manila Film Festival sa tatlong magkasunod na taon.
Matatandaang bumida siya sa mga pelikulang lahok sa nasabing festival. Una rito ang “Gomburza” at “Mallari” noong 2023 na sinundan ng “The Kingdom” noong 2024, at “Manila’s Finest” naman noong 2025.
Bukod dito, mapapabilang din siya sa “The Kingdom: Magkabilang Mundo” na TV sequel ng “The Kingdom.”