Umarangkada agad sa mahigit isang linggo pa lang na simula ng taon ang Filipino professional tennis player na si Alexandra “Alex” Eala matapos nitong makamit ang bagong career-high niya sa Women's Tennis Association (WTA) bilang rank 49.
Ayon ito sa bagong tala ng WTA sa kanilang website kung saan makikita na rank 49 na si Eala na kamakailang rank 53 noon lamang nakaraang linggo.
Screenshot mula sa website ng WTA.
Matapos ito ng naging mga laban ni Eala sa ASB Classic sa Auckland, New Zealand kung saan natalo niya ang pambato ng Poland at kasalukuyang rank 52 sa WTA na si Magda Linette sa mga set score na 6-3 at 6-2.
Habang hindi naman pinalad pa ang 20-anyos na pambato ng Pilipinas nang masilat siya sa semifinals ng pambato ng China at kasalukuyang rank 57 sa WTA na si Wang Xinyu sa mga set score na 7-7, 5-7, at 4-6.
Bukod dito, lumaban at nakaabot din si Eala at kakampi nitong Amerkina na si Iva Jovic sa semifinals ng ASB Classic doubles matapos nilang taulunin sina Venus Williams ng USA at Elina Svitolina ng Ukraine sa Round of 16 sa mga set score na 7-6, at 6-1.
Naungusan din nina Eala ang magkakamping sina Renata Zarazúa ng Mexico at Jesika Malečková ng Czechia sa quarterfinals.
Ngunit sa kabila nito, nasilat sina Eala ng tambalan nina Zhaoxuan Yang at Yifan Xu mula sa China sa semifinals sa mga set score na 5-7 at 3-6.
Matapos nito, nakatakda namang lumaban si Eala sa Kooyong Classic sa Melbourne, Australia simula sa darating Martes, Enero 13, 2026.
Matatandaang nakapagtala na rin ng new career-high bilang rank 50 si Alex Eala noong Nobyembre 3, 2025.
MAKI-BALITA: Alex Eala, tumaas na naman career-high bilang rank 50 sa WTA!
MAKI-BALITA: Alex Eala, nakamit unang ginto sa 2025 SEA Games!
Mc Vincent Mirabuna/Balita