Ipinagmalaki ng Malacañang na narekober ng mga awtoridad ang aabot sa ₱114.5 milyong halaga ng ilegal na droga nang walang namamatay.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Enero 12, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), operatiba ng Bureau of Customs (BOC) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nakasabat ng naturang mga kontrabando.
“Ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱114.5 milyon, nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs at NAIA—nang walang patayan,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “Sa isang operasyon ng Customs at NAIA kasama ang PDEA at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), naharang ng mga awtoridad ang ilang package na naglalaman ng illegal drugs nitong nakaraang Huwebes, January 8.”
Giit ng press officer, ang ikinasang operasyon ay base raw sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr., nahigpitan pa ang pagbabantay sa ating mga paliparan at pagpapalakas ng kampanya kontra droga,” anang press officer.
Ayon pa sa ulat, ang mga kontrabando na aabot sa 16.8 kilos ay idineklara bilang “malachite stones” na galing umano sa Congo.
Dumaan din ang mga ito sa ilang pagsusuri tulad ng X-ray inspection, verification, at physical examination.
“Nasa poder na rin ng ahensya ang mga indibidwal na dinakip dahil sa kanilang pagkakasangkot sa pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa,” ani Castro.
“Ang Bureau of Customs, sa pamumuno ni Commissioner Ariel Nepomuceno, ay naninindigang patuloy ang mga hakbang ng pamahalaan upang protektahan ang ating mga kapwa Pilipino laban sa mga drug smugglers,” pagtatapos niya.
Matatandaang kamakailan, iniulat din ng Philippine National Police (PNP) na narekober nila sa kanilang “bloodless operations” noong 2025 ang aabot sa humigit-kumulang ₱25.3B halaga ng ilegal na droga.
MAKI-BALITA: ₱25.3B halaga ng ilegal na droga, narekober sa 'bloodless' drug operations noong 2025-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA