Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 50-anyos na Koreanong pugante sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Linggo, Enero 11.
Kinilala ang nabanggit na South Korean national na si Yun Daeyoung, isang puganteng humaharap sa isang Interpol red notice.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng BI nitong Lunes, Enero 12, papalipad na raw patungong Hanoi, Vietnam si Yun nang mapag-alamang siya ay may Interpol red notice, matapos ang isang inspeksyong isinagawa sa kaniya.
Base sa naturang notice, si Yun ay nauugnay umano sa isang “money laundering” issue na konektado sa isang “goods purchase fraud syndicate” sa South Korea.
Hinihinala si Yun na kumulimbat ng humigit-kumulang 140,748,319 Korean won, o aabot sa ₱5.7 milyon sa isang biktima.
Nakakuha rin siya sa parehong tao ng aabot sa halagang 22,550,204 Korean won o higit ₱900,000, matapos niya itong pangakuan ng “share” sa kita ng isang “online shopping mall.”
Dulot nito, inisyuhan si Yun ng isang arrest warrant ng Daegu District Court ng Korea noong Hulyo 2025.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang aprehensyon ni Yun ay isang matibay na patunay sa kampanya ng kagawaran kontra krimen.
“The President’s directive is clear: the Philippines will not be a safe passage or hiding place for foreign nationals wanted for serious crimes abroad,” ani Viado.
Giit pa niya, “The moment an Interpol alert appears, we act decisively. This arrest underscores our zero-tolerance policy toward fugitives who abuse our immigration system to escape accountability.”
“This case shows how critical our coordination with Interpol and foreign counterparts is. We will continue to strengthen these partnerships to ensure that individuals facing criminal charges overseas are intercepted and dealt with in accordance with the law,” pagtatapos niya.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim na ng kustodiya ng BI ang pugante.
Vincent Gutierrez/BALITA