Susunod ka ba kahit sa tingin ng mata ng tao ay imposible ang pinagagawa ng Diyos?
Madalas, madaling gawin ang isang bagay kung marami kang nakikitang gumagawa nito, kasi may nakaka-relate sa’yo, “shared bond” kumbaga, pero kung kapag ikaw lang, minsan, nakakapanghina ng loob.
Balikan mo ‘yong kuwento ni Noah sa Bibliya.
Sabi sa Genesis 6:5-8, ikinalungkot ni Yahweh ang laganap na kasamaan at korapsyon sa mundo, kaya sinabi Niyang pipinsalin Niya ang mundo at lahat ng nakatira dito, bukod kay Noah, na naging kalugod-lugod sa Kaniya.
Noong mga panahon na ito, inutusan ng Panginoon si Noah na bumuo ng arko o malaking barko dahil uulan at babaha sa buong mundo sa loob ng 40 araw at gabi (Genesis 6:13-18).
Sumunod si Noah, kahit hindi pa nagkakaroon ng ulan sa mundo noong mga panahon na ito–hindi pa Siya nakakakita ng ulan at baha, malamang, hindi pa rin alam ni Noah kung ano ang itsura o pakiramdam ng ulan at baha, pero sumunod pa rin siya sa Panginoon.
Sa buong mundo, si Noah at ang pamilya lang niya ang nakaligtas sa baha (Genesis 7:23).
Sa kalagitnaan at pagtapos ng kalamidad, hindi kinalimutan ng Diyos si Noah, at ginamit pa siya para muling paramihin ang buhay sa mundo.
“Kung susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh.” Deuteronomio 28:1-2
Bagama’t lumakad tayo sa madilim na daan, tiniyak ng Panginoon na mapanghahawakan natin ang paggabay ng Kaniyang tungkod at pamalo (Mga Awit 23:4), dahil kung saan niya tayo tinawag, nagpapatnubay Siya.
Higit pa sa sapat ang mga pagpapala Niya, at tiyak na ibabalik Niya nang siksik, liglig, at umaapaw, ang mga bagay na tingin natin ay nawala sa atin habang sumusunod tayo sa Kaniya.
Kaya sa pagpasok natin sa taong 2026, panghawakan natin na hindi kailanman magkukulang ang Panginoon, at may gantimpala ang pananampalataya at pagsunod natin sa Kaniya (Isaias 3:10).
Sean Antonio/BALITA