January 26, 2026

Home SHOWBIZ Relasyon at Hiwalayan

Hindi man perfect! Nadine Lustre, 'di na raw magjojowa kapag nag-break pa sila ni Christophe Bariou

Hindi man perfect! Nadine Lustre, 'di na raw magjojowa kapag nag-break pa sila ni Christophe Bariou
Photo courtesy: Nadine Lustre (IG)

Inilarawan ng award-winning actress na si Nadine Lustre ang kasalukuyan niyang boyfriend na si Christophe Bariou bilang "prince charming" at sa palagay niya, perfect partner na niya kaya wala na siyang balak humanap pa ng iba.

Iyan ang ipinagdiinan ni Nadine sa naging panayam sa kaniya ni Unkabogable Star Vice Ganda sa vlog ng huli, para sa promotion ng kanilang pelikulang "Call Me Mother" na itinanghal na 3rd Best Picture ng 51st Metro Manila Film Festival (MMFF), at nagpanalo naman kay Vice Ganda bilang "Best Actor," kauna-unahan niyang parangal sa nabanggit na kategorya, simula nang sumali siya sa nabanggit na film festival.

Isa sa mga napag-usapan ng dalawa ay ang kasalukuyang estado ng relasyon nina Nadine at Christophe, kung saan, diretsahang tinanong ni Meme Vice si President Nadine kung sa palagay na niya, nahanap na niya ang "prince charming" ng buhay niya.

Sagot ni Nadine, "Oo. Sabi ko nga sa kaniya, 'Kapag nag-break pa tayo, hindi na ako magjojowa.’"

Relasyon at Hiwalayan

Sa gitna ng hiwalayan issue: John Lloyd Cruz, Isabel Santos naispatang magkasama sa Thailand

Naniniwala si Nadine na para sa kaniya, ibang-iba raw si Christophe sa mga lalaking nakilala niya noon. Hindi man daw perpekto, pero para sa kaniya, perpekto na ang boyfriend para sa kaniya.

"Feeling ko kasi sobrang okay na siya, para sa akin. Hindi man siya perfect pero, para sa akin, sobrang okay na siya and perfect na siya for me. For some reason, alam mo lang na ito na iyon and hayun 'yong ng na-feel ko sa kaniya. Kaya sabi ko, ‘Kapag nag-break pa tayo, hindi na ako magjojowa kasi ayaw ko na.’ For me, ang hirap makahanap ng katulad niya."

Natanong din ni Vice kay Nadine kung minsan ba, nakakaramdam din siya ng pagkapraning bilan jowa ni Christophe.

Sy ni Nadine, "Hindi ko alam pero napi-feel ko lang na secured ako sa kaniya."

"Depende talaga sa situation. Like ngayon, may mga times na napaparanoid pa rin ako but not because of the relationship."

Nauntag din si Nadine kung bukas ba siya sa ideya ng pagpapakasal at pagkakaroon ng anak.

Pag-amin ng aktres, bukas naman daw, kaya lang, para sa kaniya, hindi pa siya handa dahil naniniwala siyang ibang responsibilidad na ang pagiging misis at pagiging ina.

Sa ngayon daw, enjoy pa naman daw sila sa kung anong meron at estado ng relasyon nila ni Christophe.

Kung sakaling ikasal na nga sila ni Christophe, hindi raw siya naghahangad ng bonggang wedding celebration. Sapat na raw sa kaniya na simple lang at kasama ang pamilya at malalapit na tao sa buhay nila.

"Ako, gusto ko naman ng celebration. Pero not necessarily as wedding, parang gusto ko lang ng celebration with family, ganyan. Not necessarily malaking celebrations, like sa church, [hindi Disney wedding]. Parang gusto ko lang by the lake, by the ocean with close friends, tapos after noon party lang kayo. Ganoon lang kasimple. Hindi ako nag-dream talaga ng malaking wedding," aniya.

Matatandaang noong 2021 unang pumutok ang balita patungkol sa relasyon nilang dalawa, matapos ang pinag-usapang break up nina Nadine at dating reel at real partner na si James Reid.