January 24, 2026

Home FEATURES Human-Interest

‘CPA na, abogado pa!’ Dating 4Ps monitored child, sumakses sa 2025 Bar Examinations

‘CPA na, abogado pa!’ Dating 4Ps monitored child, sumakses sa 2025 Bar Examinations
Photo courtesy: via DSWD


Ibinida ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na isa sa mga dating Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) monitored child ang nakapasa sa 2025 Bar Examinations.

Sa ulat na ibinahagi ng DSWD nitong Lunes, Enero 12, mababasang abot-abot ang pasasalamat ni Jeric Amor Villanueva ng Paniqui, Tarlac sa programa ng ahensya, na siya umanong tumulong upang maabot niya ang kaniyang mithiin sa buhay.

“Kaya maraming salamat po sa 4Ps na nagsilbing tuntungan ko upang unti-unting maabot ang mga bagay na narating ko ngayon,” ani Villanueva.

Giit pa niya, “Kailangan po nating tanggapin na hindi totoong hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng mga pangarap. Dahil ang totoo, mahirap mangarap kapag ikaw ay mahirap.”

Dahil daw sa nosyong ito, nagsikap si Villanueva upang mas lalo pang pag-igihan ang kaniyang ginagawa.

Bago pa man maipasa ni Villanueva ang 2025 Bar Examinations, nauna niya nang nakuha ang sakses matapos maging Certified Public Accountant (CPA).

Kinilala at nagpasalamat naman si DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao na nakatutulong ang programa ng ahensya upang maabot ng mga benepisyaryo ang kanilang mga pangarap.

“The DSWD is very proud of Jeric and all the other 4Ps monitored children who recently passed the Bar Examinations,” saad ni Dumlao.

Dagdag pa niya, “Isang karangalan para sa DSWD maging parte ng journey at tagumpay ni Jeric sa pamamagitan ng 4Ps na ang pinakalayunin ay mag-invest sa edukasyon ng mga bata.”

Matatandaang pumalo sa 48.98% ang passing rate ng 2025 Bar Examinations, matapos pumasa sa nasabing pagsusulit ang 5,594 examinees.

KAUGNAY NA BALITA: Top 20 examinees ng 2025 Bar Exams, inilabas na ng Korte Suprema!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA