Patay at tadtad pa ng mga taga ang katawan ng walong taong gulang na batang lalaki nang matagpuan ng mga awtoridad matapos siyang mawala sa San Pablo City, Laguna.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News noong Linggo, Enero 11, 2026, papasok na raw sana ng eskwela ang biktima nang bigla siyang mawala.
Sinasabing naka-uniporme na raw noon ang biktima nang iwanan ng kaniyang tiyuhin sa loob ng kanilang bahay. Maliligo lang daw noon ang tiyuhin na siyang maghahatid sa biktima sa eskwela noong Biyernes, Enero 9. Subalit, pagkatapos maligo ng tiyuhin ay wala na raw ang biktima sa kanilang bahay at tanging ang bag lang nito ang naiwan.
Inakala ng kapamilya ng biktima na nauna na siya sa kanilang paaralan kaya’t sinunod na lang ang bag niya. Laking gulat daw nila nang mapag-alamang wala rin ang biktima sa eskuwelahan.
Doon na nagpasya ang pamilya ng biktima na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang mahanap ang kaniyang kinaroroonan.
Ayon sa ulat, liblib ang daanan papasok ang bahay ng biktima at 100 metro mula sa naturang daan ay natuklasan sa gubat ang karumal-dumal na sinapit ng biktima.
Naliligo na sa sariling dugo ang biktima na tapyas ang tainga at putol-putol ang mga daliri niya sa kamay.
Sa panayam sa pamilya ng biktima, wala umano silang nakikitang motibo upang sapitin ng biktima ang malagim na krimen.
Samantala, hawak na ng pulisya ang person of interest sa nasabing krimen. Batay umano sa salaysay ng ilang mga saksi, ang lalaki na malapit din sa pamilya ng biktima ang nakakita na naghahasa ng isang itak, bago madiskubre ang krimen. Namataan din umano ang lalaki na may mga dugo sa kaniyang damit.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.