Kumpirmadong biktima ng panggagahasa ang 15 taong gulang na babaeng natagpuang pugot ang ulo sa Bukidnon.
Ayon sa mga ulat, mismong ang suspek ang umamin sa kahalayang ginawa niya sa biktima bago ito patayin.
Sinasabing kusang-loob ding sumuko ang suspek sa isang tribal leader bago siya isinuko nito sa mga awtoridad. Batay umano sa salaysay ng suspek, pauwi na raw noon ang biktima galing sa eskwela nang harangin siya ng suspek at saka dinala sa isang tubuhan.
Matatandaang ilang araw nawala ang biktima bago natagpuan ang katawan niya habang sa di kalayuan naman, nakita ang pugot niyang ulo.
KAUGNAY NA BALITA: Dalagitang ilang araw nang nawawala, natagpuang pugot ang ulo
Ayon pa sa mga awtoridad, ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima ay bahagi ng rutang madalas nitong dinaanan pauwi. Karaniwan umano itong umuuwi bandang 4:30 ng hapon.
Napag-alamang minsan nang nakasuhan ang suspek bunsod pa rin ng reklamong pagpatay.
Paniwala ng mga awtoridad, nakatulong ang ₱200,000 na pabuya sa pagsusuplong sa suspek sa pulisya.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong isasampa laban sa suspek.