Sinopla ng aktor at direktor na si Eric Quizon ang ilang indibidwal na winawalang-halaga ang legasiya ng ama niyang si Dolphy na itinuturing bilang Comedy King sa Pilipinas.
Sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP) kamakailan, ipinaliwanag ni Eric ang dahilan kung bakit hindi pa raw ginagawaran si Dolphy ng titulong National Artist.
“Aniya, “[S]inasabi kasi nila ang mga pelikula ng daddy ko daw walang substance, walang laman, puro slapstick.”
“I beg to disagree. 'Pag pinanood mo ang pelikula ng daddy ko, parating he talks about family and kids at pagmamahal. Parating may family, may touch na ganoon… my dad gives importance to family,” dugtong pa ni Eric.
Ayon sa anak ng Comedy King, matagal na umanong nano-nominate ang kaniyang ama kahit noong nabubuhay pa. Ngunit bigo aniyang maigawad ang titulo sa sumakabilang-buhay na ama.
Ilan sa mga pelikulang pinagbidahan ni Dolphy ay ang “Markova: Comfort Gay,” “Daddy O, Baby O,” “Father Jejemon,” “Wanted: Perfect Father,” at marami pang iba.
Matatandaang pumanaw ang Comedy King noong Hulyo 10, 2012 sa edad na 83 dahil sa multiple organ failure.