Binuweltahan ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang mga alegasyon ni Sen. Imee Marcos kaugnay ng 2026 General Appropriations Act (GAA), at iginiit na may sarili rin umanong allocable fund ang senadora batay sa tinatawag na “Cabral files.”
Ayon kay Lacson, kabilang si Marcos sa mga mambabatas na may pondong nakalaan sa 2025 budget.
“Si Senator Imee, mayroon din doon. Kung hindi ₱2.5 billion, nasa ₱3.5 billion. Yung for later release niya, may mga na-release doon,” ani Lacson sa isang radio interview nitong Linggo, Enero 11, 2026.
Dagdag pa ng senador, ang senadora umano ang tahasang pumupuna sa pinirmahang 2026 national budget kahit siya rin ay may tinutukoy na pork barrel batay sa sarili nitong depinisyon.
“Siya (Imee Marcos) yung nag-iingay na tahasang kini-criticize niya ang napirmahang budget ng 2026. Kung ganun definition niya ng pork, siya nga ang mayroong pork [barrel]. So wala siyang moral ascendency para i-criticize,” saad ni Lacson.
Nauna nang sinabi ni Marcos na ang 2026 GAA na nilagdaan ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi umano isang developmental budget kundi isang “political” budget.
Ayon pa sa senadora, hiniwa-hiwalay umano ang 2026 budget upang magsilbing daan sa panibagong impeachment plan laban kay Vice President Sara Duterte, kasunod ng inaasahang paghahain ng bagong reklamo sa Pebrero matapos ang isang taong ban sa impeachment.
Binanggit din ni Marcos na maaaring magmula sa mga financial assistance programs ng pamahalaan ang tinatawag niyang “soft pork” sa 2026 budget, kabilang ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).