January 24, 2026

Home BALITA

'Wag n'yo kaming gamiting excuse!' De Lima, binara pagkumpara sa kaniya kay Sen. Bato sa pagkawala sa Senado

'Wag n'yo kaming gamiting excuse!' De Lima, binara pagkumpara sa kaniya kay Sen. Bato sa pagkawala sa Senado

Iginiit ni Mamamayang Liberal party-list Representative Leila de Lima na hindi dapat ikumpara ang kaniyang pagliban sa mga sesyon ng Senado noong siya ay senador sa patuloy na hindi pagdalo ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, dahil magkaiba umano ang konteksto ng kanilang mga sitwasyon.

Ayon kay De Lima, ang kaniyang hindi pagdalo sa mga sesyon—katulad din ng naging sitwasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV—ay hindi nila sariling kagustuhan kundi, bunsod ng kaniyang pagkakakulong noong panahong iyon.

“Our non-attendance in Senate sessions during our incumbency was involuntary. I could not be physically present in the Senate because I was in detention to face the fabricated charges filed against me then by the Duterte administration. On the other hand, Sen. Bato is running away from possible arrest by the ICC,” pahayag ni De Lima sa kaniyang social media accounts nitong Linggo, Enero 11, 2026. 

Nakulong si De Lima matapos sampahan ng tatlong kasong may kaugnayan sa droga, na kalauna’y ibinasura rin ng mga korte ng Muntinlupa City.

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

Binigyang-diin ng mambabatas na kahit nasa kulungan ay patuloy pa rin siyang gumanap ng tungkulin bilang senador.

“Kahit nakakulong ako noon at kahit mahirap dahil wala akong kahit anumang gadget, nagtatrabaho po ako bilang Senador sa pagpa-file ko ng maraming bills na ilan sa kanila ay naging batas,” ani De Lima.

Dagdag pa niya, sinubukan din niyang humiling na makalahok sa mga online session at pagdinig ng Senado noong panahon ng pandemya, subalit hindi umano ito pinayagan ng mayorya.

“Naki-usap pa nga ako na mag-participate sa online sessions and hearings ng Senate during pandemic dahil ginagawa naman na yun, pero hindi napagbigyan ng mayorya ng Senado,” ayon kay De Lima.

Ang pahayag ni De Lima ay kasunod ng mga usapin hinggil sa patuloy na pagliban ni Dela Rosa sa mga sesyon ng Senado, matapos lumabas ang mga ulat na umano’y may inilabas na arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa senador kaugnay ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Nagbabala rin si De Lima laban sa paggamit sa kaniyang karanasan upang bigyang-katwiran ang umano’y kakulangan ng disiplina sa Senado.

“Wag nyo naman po kaming gamiting excuse sa hindi pagdisiplina sa isang delinkwenteng senador,” giit niya.