Usap-usapan ang isiniwalat ni Unkabogable Star Vice Ganda tungkol sa umano’y tatlong witch reporters sa buhay niya.
Sa latest vlog kasi ni Vice kamakailan, inusisa siya ng “Call Me Mother” co-star niyang si Nadine Lustre tungkol dito.
“Ikaw, sinong witch mo?" tanong ni Nadine.
"Ang dami kong witch 'no," sagot ni Vice. "Mayro'n akong tatlong reporter na witch. Ang dami kong witch sa mga social media."
"Pero ini-enjoy ko rin sila paminsan-minsan. Ang sarap nilang buwisitin. 'Pag nanonood kayo ng Disney movie, nakakatuwa 'pag buwisit na buwisit 'yong witch," dugtong pa niya.
Dinampot ito ng isang Facebook page na nagngangalang “The Scoop” para gawan ng comic strip pubmat kalakip ang screenshot mula sa komento ng isang netizen.
“Si Cristy Fermin ba 'to and her friends?" mababasa sa comment. Tila ang “friends” na tinutukoy ng netizens ay sina Romel Chika at Wendell Ramos na kasa-kasama lagi ni Cristy sa showbiz-oriented vlog na “Showbiz Now Na.”
Matatandaang makailang ulit na pinasaringan ni Vice si Cristy dahil sa madalas na tirada nito laban sa kaniya. Sa katunayan, gumawa pa siya ng kanta para bweltahan ang batikang showbiz columnist.
Maki-Balita: Bagong kanta ni Vice Ganda, pasaring kay Cristy Fermin?