January 24, 2026

Home BALITA

'Petty theft, arestado agad!' Diokno, nag-react sa lalaking nagnakaw ng 'condom'

'Petty theft, arestado agad!' Diokno, nag-react sa lalaking nagnakaw ng 'condom'
Photo courtesy: Chel Diokno/FB, Contributed photo via News 5


Hindi napigilan ni Akbayan Party-list Rep. Atty. Chel Diokno na magbigay ng kaniyang sentimyento hinggil sa umano’y mga ‘big fish’ na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakalaboso.

Kaugnay ito sa napaulat na aprehensyon kamakailan ng isang bagger sa isang mall sa Barangay Mabolo, Cebu City matapos mandekwat ng isang pack ng condom na nagkakahalagang  ₱387.75 dahil umano sa kyuryosidad nito.

MAKI-BALITA: Curious lang daw! Bagger sa mall, arestado dahil nandekwat ng condom-Balita

Sa ibinahaging social media post ni Rep. Diokno kamakailan, mababasa na tila paglalarawan niya sa aniya’y “petty theft” at “grand theft” na lumalaganap sa bansa.

“Petty theft, arestado agad. Grand theft, Happy New Year!” saad ni Diokno.

Giit pa niya, “2026 na, wala pa ring BIG FISH ANG NAKUKULONG.”

Sa ginanap na presidential report ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan, matatandaang nagbitaw siya ng isang pangako kaugnay sa pag-aresto sa mga personalidad na may kinalaman sa malawakang katiwalian at maanomalyang flood control projects sa bansa, bago sumapit ang Kapaskuhan.

“Alam ko, bago mag-Pasko, marami dito sa napangalanan dito ay palagay ko, matatapos na 'yong kaso nila, buo na 'yong kaso nila, makukulong na sila. Wala silang Merry Christmas, before Christmas makukulong na sila,” ani PBBM.

MAKI-BALITA: 'Wala silang Merry Christmas!' Mga sangkot sa flood control scam, tapos na maliligayang araw—PBBM-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA