Pinalagan ng Malacañang ang planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at inilarawan ito bilang isang uri ng “political maneuvering.”
Sa isang pahayag nitong Linggo, Enero 11, 2026, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na walang sapat na batayan ang mga pahayag kaugnay ng umano’y planong impeachment laban sa Pangulo.
“We have seen this statement made by a lawmaker. At this point, these are unsubstantiated statements allegedly coming from the supporters of a certain politician.The President remains committed to leading and producing results for the Filipino people,” ayon kay Castro.
Ang reaksiyon ng Palasyo ay kasunod ng naunang pahayag ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan 2nd District Representative Edgar Erice na maaaring harapin ni Marcos ang isang impeachment complaint.
Ayon sa mga ulat, iginiit ni Erice na may mga indibidwal umanong lumapit sa kaniya upang iendorso ang naturang reklamo laban sa Pangulo.
Para naman sa Malacañang, naniniwala ang Pangulo na ang anumang hakbang na gagawin ng Kongreso ay ibabatay sa mga katotohanan at sa umiiral na batas.
“He respects the existing constitutional processes and believes that any actions taken by members of Congress will be driven by facts, the law, and national interest. The administration will not speculate on rumours or political maneuverings,” dagdag pa ni Castro.