Usap-usapan ang pagpapasiklab ng isang masugid na tagahanga ng SexBomb Girls matapos niyang ilang beses na mag-split nang makabili ng ticket para sa inaabangang “rAWnd 5” concert ng grupo.
Sa isang video na kuha ng isang nagngangalang Kimberly May Mitsuyama, na ibinahagi naman sa GMA News, makikitang maraming nakapila sa ticketing booth ng isang mall para bumili ng ticket.
Makikita ang isang may edad na netizen na hindi lang minsang nag-split kundi paulit-ulit pa habang masayang ipinapakita ang concert ticket na kaniyang na-secure.
Agad itong umani ng aliw at reaksyon mula sa mga netizen, na marami ang nagsabing “certified pinalaki ng SexBomb” ang naturang tagahanga, o tawag sa fans at supporters nila.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Kimberly na nakakuha rin siya ng sariling tiket para sa “rAWnd 5” concert ng SexBomb Girls na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pebrero 8, 2026.
Naging matagumpay ang idinaos na reunion concert ng grupo sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City noong Disyembre 4, 2025, na nasundan pa ng rAWnd 2 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Disyembre 9, 2025.
Dahil sa matinding demand ng mga pinalaki ng SexBomb, nagkaroon pa ng ikatlo at ikaapat na round ng palabas sa Pebrero 6 at 7 subalit mabilis itong na-sold out.
Labis na sumikat ang grupo dahil sa kanilang araw-araw na appearance sa noontime show na "Eat Bulaga" noong nasa GMA Network pa ito.
Kalaunan, bumida rin ang SexBomb Girls sa afternoon soap na “Daisy Siete” at kinilala bilang mga nangungunang recording artists.
Hanggang ngayon, aktibo pa rin sa pag-arte ang itinuturing na lider ng grupo na si Rochelle Pangilinan.