January 26, 2026

Home BALITA

'Kung sino dapat na managot, dapat na managot!' PBBM, itatratong 'flood control probe' bagong impeachment case ni VP Sara

'Kung sino dapat na managot, dapat na managot!' PBBM, itatratong 'flood control probe' bagong impeachment case ni VP Sara

Itatrato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang anumang panibagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte katulad ng isinagawang pagtalakay at imbestigasyon sa flood control projects, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na ito ang naging reaksiyon ng Pangulo kaugnay ng posibleng bagong impeachment bid ng Makabayan bloc sa susunod na buwan, kasabay ng pag-expire ng isang taong ban sa Pebrero 6, 2026.

“Ang sabi niya, iti-treat natin ang anumang impeachment complaint laban kay VP Sara katulad ng pag-treat sa pagdi-discuss at pag-iimbestiga sa flood control projects,” pahayag ni Castro sa panayam ng ABS-CBN News noong Sabado, Enero 10.

Nang tanungin kung ano ang ibig sabihin nito, sinabi ni Castro na pananagutin ang sinumang mapatunayang may sala.

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

“Kung sino ang dapat na managot, dapat na managot. Yun po ang sabi ng Pangulo,” ani Castro.

Dagdag pa niya, hindi hahadlangan ng Pangulo ang anumang hakbang kung may sapat na ebidensiya ang mga naghain ng reklamo.

“Kung may ebidensya po sila at gusto nilang managot ang dapat na managot, maaari po nilang gawin ‘yan, at hindi po hahadlang ang pangulo diyan,” aniya.

Binigyang-diin din ni Castro na hindi makikialam ang Pangulo sa proseso at susuportahan nito ang anumang magiging resulta batay sa batas.

“Hindi po magla-lobby ang Pangulo dito. Hahayaan po nilang gumulong kung ano ang dapat na proseso at kung anong kasasapitan po nito na naaayon sa batas at proseso, susuportahan po yun ng pangulo,” ayon sa opisyal.

Tungkol naman sa kung may bigat pa ang panibagong impeachment bid laban sa bise presidente, sinabi ni Castro na nakadepende ito sa magiging hakbang ng Kongreso.

“Sila po ang gumawa ng kanilang complaint kung ito po ay matibay at sabi naman po nila ay magiging matibay po ito so kung ano na lang po ang maibibigay nilang ebidensya at kung ito ay gugulong tingnan na lang po natin dahil may mga ibang senador na hindi pa po nababasa ang impeachment complaint eh gusto nilang i-dismiss agad ang kaso,” ani Castro.

Nauna nang sinabi ni Senadora Imee Marcos na tiyak umanong may ihahaing panibagong impeachment case laban kay VP Sara, at muling iginiit ang kaniyang hinala na ang umano’y pork barrel sa 2026 national budget ay maaaring gamitin upang makakalap ng suporta para sa impeachment.