Nakapagtala ng karagdagang real-time seismic energy release (RSAM) ang Department of Science and Technology (DOST) - Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Bulkang Mayon, ngayong Linggo, Enero 11.
Base sa anunsyo ng DOST-PHIVOLCS, 6 out of 16 na istasyon ng Mayon Volcano Network ang nakapagtala ng RSAM, dahil sa udyok ng background tremor o mababang antas ng pagyanig sa bulkan.
“Starting today, 11 January 2026, a pronounced increase in real-time seismic energy release (RSAM) was recorded by six (6) of sixteen (16) stations of the Mayon Volcano Network. This increase was induced by background tremor while no other volcanic earthquakes have been detected, which may be due to prevailing fully open vent conditions as the volcano effusively erupts,” saad ng Phivolcs.
Gayunpaman, ayon sa kasalukuyang tala ng ahensya, walang karagdagang pamamaga o ground deformation ang nabuo sa Mayon, bagama’t ipinapakita sa Global Positioning System measurements, electronic tilt instruments, at electronic distance measurement (EDM) ground deformation data ang pagkakaroon ng non-uniform inflation sa silangangang bahagi nito simula pa noong Hunyo 2024.
Nananatili rin na malapit sa background level ang sulfur dioxide emissions ng Mayon, kung saan nasa 777 tonnes per day ang naitala noong Sabado, Enero 10.
Kaya ipinaalala ng DOST-PHIVOLCS sa publiko na kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang Mayon, dahil sa patuloy na pagputok na kasalukuyang pagguho ng mga bato at paglabas ng pyroclastic density currents (PDCs) o “uson” sa timog at silangang bahagi nito.
MAKI-BALITA: 256 na pagguho ng mga bato at 41 PDCs, naitala sa Bulkang Mayon sa nagdaang 24 hours–Phivolcs
Abiso rin ng ahensya sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa mataas na lebel ng PDCs, lava flows, at pagguho ng mga bato, at iba pang volcanic hazards.
Pinaghahanda rin ang mga residente na nasa loob ng 8-kilometer radius sa posibleng paglikas kung sakaling itaas ang Mayon sa Alert Level 4.
Sa kabila ng mga ito, tiniyak ng DOST-PHIVOLCS na patuloy silang nakabantay ang sitwasyon ng Mayon.
Sean Antonio/BALITA