Timbog ang isang 47-anyos na lalaki sa ikinasang manhunt operation ng mga awtoridad matapos umano niyang halayin ang kaniyang menor de edad na stepdaughter sa loob ng halos 9 na taon.
Sa ibinahaging ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kamakailan, nasakote ng CIDG Cagayan de Oro City Field Unit, CIDG Davao Oriental Provincial Field Unit, at territorial police unit ang suspek noong Enero 8, 2026, pasado 12:30 ng tanghali, sa Brgy. Poblacion, Mati City, Davao Oriental.
Ayon sa imbestigasyon, nakatala rin ang suspek bilang Rank No. 4 Regional Most Wanted Person ng Police Regional Office 10.
Base pa sa impormasyong inilatag ng mga awtoridad, maraming beses na ginahasa at minolestiya ng amain ang kaniyang menor de edad na stepdaughter mula taong 2016 hanggang Agosto 2024, na nagsimula noong ito ay 8 taong gulang pa lamang.
Tinatakot umano ng suspek ang biktima kung kaya’t hindi agad ito nakapagsumbong—hanggang sa napagdesisyunan na niyang sabihin sa kaniyang ina ang krimeng ginagawa ng kaniyang amain, dahilan para masampahan ito ng reklamo noong Hunyo 30, 2025.
Ang naturang aprehensyon ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest para sa Qualified Rape of a Minor (7) counts, at Lascivious Conduct (4) counts, na inisyu ng Cagayan de Oro City court noong Agosto 4, 2025.
Ayon sa CIDG, matatag at maigting ang kanilang kampanya kontra krimen, lalo na ang mga suspek ng panghahalay at pangmomolestiya ng mga menor de edad.
“The CIDG assures the public that Unit is the steadfast in pursuing and capturing all criminals, most wanted persons and fugitives across the country- especially accused of qualified rape and sexual abuse of minors. The Group warned all wanted persons - that they will be traced and rounded up wherever they are,” saad ng CIDG.
Vincent Gutierrez/BALITA