“Viva Pit Señor Sto. Niño!”
Ito ang mga salitang umaalingawngaw sa makukulay na mga kalsada ng Cebu tuwing ipinaparada ang imahe ng Señor Sto. Niño tuwing ikatlong linggo ng Enero.
Ang Sinulog Festival ang kinikilalang pinakamalaki at enggrandeng pagdiriwang ng paniniwalang Katolisismo at kultura sa Pilipinas, bilang pagbibigay-pugay kay Sto. Niño o ang batang Hesus.
Ano nga ba ang pinagmulan ng Sinulog?
Bilang puso sa likod ng malaking selebrasyon, ang Sto. Niño ang itinuturing na pinaka-antigong relikya sa bansa dahil nagmula pa ito kay Ferdinand Magellan, na Portuges na manlalakbay, bilang pakimkim sa pagka-katoliko ni Hara Humamay noong 1521, na reyna ng Cebu, at asawa ni Rajah Humabon.
Si Humamay ang naitalang kauna-unahang Pinay na naging Katoliko sa buong arkipelago ng Pilipinas, at posibleng sa Silangang Asya, ayon sa pag-aaral ng SEA (Southeast Asia) Heritage & History.
Base rin sa lathalain na ito, ang pagsasayaw sa tuwa ni Humamay habang hawak ang imahe ng batang Hesus, habang may nakasunod ang higit-kumulang na 800 Cebuano ang kinokonsiderang kauna-unahang sayaw sa Sinulog.
Paano ito ipinagdiriwang?
Tuwing ikatlong linggo ng Enero, ipinagdiriwang ang Sinulog, kung saan ilang linggo pa lamang ay binubuksan na sa prusisyon ng penitensya papunta sa Basilica del Santo Niño.
Ang susunod na siyam na araw ay pinupunan ng mga misa sa mga simbahan sa Cebu, kasunod ang mga nakatakdang makukulay na pagtitipon at patimpalak.
Ang enggrandeng parada ay binubuo naman ng mga sayaw mula sa iba’t ibang grupo, na talagang pupukaw sa atensyon ng mga bisita at deboto dahil sa kanilang makukulay na kasuotan at sayaw na nagkukwento ng kasaysayan ng Sto. Niño.
Isa pa sa mga tatak ng paradang ito ay ang pag-alingawngaw ng mga katagang “Pit Señor!” bilang pagkilala sa batang Hesus.
Bukod pa sa mga ito, ang Sinulog festival ay nagsisilbing pista ng mga pagkain dahil sa pagdagsa ng mga lokal na merienda at ulam tulad ng isaw, betamax, balut, bibingka, hanggang lechon.
Sinulog 2026
Nito lang Biyernes, Enero 9, opisyal nang sinimulan ang Sinulog 2026, sa pamamagitan ng misa mula 2:30 ng hapon hanggang 3:30, at sinundan ng launching parade simula Basilica Minore del Santo Niño de Cebu patungong Cebu City Sports Center.
Hanggang sa huling linggo ng Enero, tiniyak ng Sinulog Foundation na magiging siksik ang selebrasyon ng kultura at relihiyon.
MAKI-BALITA: Enggrandeng selebrasyon ng ‘Sinulog 2026’ opisyal nang sinimulan sa Cebu
Kaya ayon sa tripsavvy, para sa mga bibisita, tiyakin na presko ngunit presentable ang susuotin na damit at sapatos dahil sa mahaba-habang lakaran sa kasagsagan ng selebrasyon, at ihanda ang tubig at sombrero dahil sa kalimitang init ng panahon at dami ng tao.
Sean Antonio/BALITA