January 24, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'We did it!' Reklamo ni James Deakin sa LTO, nagbunga ng reporma para sa mga motorista

'We did it!' Reklamo ni James Deakin sa LTO, nagbunga ng reporma para sa mga motorista
Photo courtesy: James Deakin (FB)/via MB

Ipinahayag ng transport vlogger na si James Deakin na tila nagbunga raw nang maganda ang kaniyang reklamo laban sa Land Transportation Office (LTO) matapos umanong maglabas ng memorandum ang ahensiya na naglalaman ng mahahalagang pagbabago sa pagpapatupad ng mga patakaran sa trapiko.

Sa isang mahabang update sa pamamagitan ng social media post, sinabi ni Deakin na personal siyang tinawagan bandang 11:00 ng gabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni "Banoy" Lopez, hindi raw upang ipagtanggol ang ahensiya kundi upang humingi ng paumanhin at ipaalam ang mga agarang repormang ipatutupad para sa lahat ng Pilipinong motorista.

Ayon kay Deakin, epektibo kaagad ang bagong patakaran kung saan hindi na maaaring kumpiskahin ng mga enforcer ang driver’s license sa mismong oras ng paglabag. Bukod dito, ang mga itinakdang deadline ay bibilangin na lamang sa working days at hindi na sa calendar days—isang isyung matagal na umanong nagdudulot ng kalituhan at pasanin sa mga motorista, lalo na sa gitna ng sunod-sunod na holiday at biglaang suspensyon ng trabaho sa gobyerno.

Tinawag ni Deakin ang naturang hakbang bilang halimbawa ng “maayos na serbisyong pampubliko,” na aniya’y nakabatay sa pakikinig sa mamamayan at pananagutan, sa halip na paninisi, arbitraryong pagpapatupad, o imposibleng mga palugit.

Tsika at Intriga

'Di nila gets ang pressure!' Mikee Quintos, inungkat 'pabigat' issue sa group work noong college

Binanggit din ng vlogger ang naging papel ng dating kalihim ng DOTr at ngayo'y kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Vince Dizon, na aniya’y tumawag din sa kaniya at nagpaalala na ang mga nasa kapangyarihan ay naroon upang maglingkod at hindi upang magparusa.

Ayon kay Deakin, kapwa pinili nina Lopez at Dizon ang solusyon kaysa depensa, at ang pananagutan kaysa sa pagprotekta sa sariling imahe.

Nagpasalamat din si Deakin sa general public na sumuporta sa kaniya at sa kaniyang anak na si Daniel, na nasangkot sa kontrobersiya matapos ang isang paglabag sa trapiko.

Aniya, ang milyon-milyong views at reaksiyon sa social media ay hindi lamang para sa kanilang mag-ama, kundi para sa lahat ng drayber na matagal nang nababahala sa mabagal na proseso sa plaka, umano’y pangongotong, at piling pagpapatupad ng batas.

Sa kaniyang mensahe para sa anak, iginiit ni Deakin na bagama’t hindi ito ang aral na nais niyang ituro, mahalagang matutuhan na mali ang mali kahit ginagawa ng nakararami, at tama ang tama kahit nag-iisa ka. Pinuri niya ang anak sa pagharap sa pagkakamali at sa mga batikos nang may pananagutan.

Hindi rin pinalampas ni Deakin ang ilang miyembro ng media na, ayon sa kaniya, ay mas piniling ipagtanggol ang institusyong pumalya kaysa igiit ang repormang hinihingi ng publiko. Aniya, malinaw sa kasaysayan kung sino ang tumindig para sa kapakanan ng mamamayan sa panahong ito.

Sa huli, iginiit ni Deakin na ang inilabas na memorandum ng LTO ay patunay na posible ang pagbabago kapag pinili ng mga institusyon ang pananagutan kaysa ego. Bagama’t aminado siyang mahaba pa ang lalakbayin, naniniwala siyang malaking hakbang ito tungo sa mas makatarungan at maayos na sistema para sa milyon-milyong Pilipinong motorista.

Kaugnay na Balita: 'Reckless driving?' LTO Chief Lacanilao, sumagot sa reklamo ni James Deakin

Kaugnay na Balita: Edu Manzano sa pagkalampag ni James Deakin sa LTO: 'It exposed a lazy system!'