Isang binatilyo ang patay nang tagain sa noo ng isang lalaking inawat niya habang pinipilit na isama pauwi ang nobya ng huli sa Binangonan, Rizal noong Biyernes, Enero 9.
Naisugod pa sa Rizal Provincial Hospital-Angono Annex ang biktimang si alyas ‘Ark,’ 17, ngunit idineklara na ring dead on arrival ng mga doktor dahil sa taga sa noo.
Nakatakas naman at tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek sa krimen na si alyas ‘Jom,’ 21.
Batay sa ulat ng Binangonan Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-12:05 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa Axis Ville, sa Brgy. Tagpos, Binangonan.
Nauna rito, dumalo ang biktima at ang magnobyo sa isang birthday celebration sa naturang lugar.
Matapos ang pagdiriwang, umuwi na umano ang suspek kasama ang kaniyang nobyang si ‘Gina,’ habang nagpaiwan pa ang biktima.
Gayunman, maya-maya ay umiiyak umanong bumalik si ‘Gina’ at humihingi ng tulong dahil sa naganap na matinding away sa pagitan nila ng nobyo.
Maya-maya ay dumating na rin ang suspek na noon ay armado na ng isang butcher knife at sapilitang isinasama ang nobya pauwi ngunit tumatanggi ito.
Dito na tinangkang awatin ng biktima ang suspek ngunit siya ang pinagbalingan ng init ng ulo nito at kaagad na tinaga sa noo.
Nagkaroon pa umano ng suntukan sa pagitan ng dalawa hanggang sa tuluyang mawalan ng ulirat ang binatilyo.
Mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit nasawi rin.