Marami sa mga Pilipinong nasa hustong gulang ang naniniwalang nananatiling malalim at laganap ang katiwalian sa pamahalaan, ayon sa pinakabagong nationwide survey ng Pulse Asia Research, Inc. na isinagawa sa gitna ng mga pinag-usapang eskandalo at kontrobersiyang politikal noong huling bahagi ng 2025.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, batay sa resulta ng Ulat ng Bayan survey noong Disyembre 2025 na isinagawa mula Disyembre 12 hanggang 15 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents sa buong bansa, 94% ng mga kalahok ang nagsabing laganap ang katiwalian sa gobyerno.
Sa naturang bilang, 71% ang naglarawan dito bilang “lubhang laganap.”
Bagama’t masasabing mataas ang resultang ito, bahagyang bumaba ito kumpara noong Setyembre 2025, kung kailan mas mataas ang porsiyento ng mga Pilipinong naniniwalang lubhang laganap ang katiwalian.
Pagdating sa mga porma ng katiwalian, nanguna sa listahan ang pagtanggap o pagbibigay ng suhol na may 74%, na sinundan ng maling paggamit ng pondo ng gobyerno o ng kompanya na may 66%, at pag-aalok o pagtanggap ng kickback kapalit ng kontrata o serbisyo na may 64%.
Kabilang din sa mga itinuturing na katiwalian ang pag-iwas sa buwis o hindi pagsunod sa regulasyon na may 42%, insider trading o pandarayang pinansyal na may 42%, nepotismo o paboritismo sa pagkuha o promosyon sa trabaho na may 39%, at hindi pagdedeklara ng conflict of interest na may 21%, na bagama’t pinakamababa ang porsiyento ay nakaapekto pa rin sa isa sa bawat limang Pilipino.
Ayon pa sa Pulse Asia, nananatiling halos hindi nagbago ang pananaw ng publiko sa karamihan ng mga gawaing ito mula noong Setyembre 2025, maliban sa bahagyang pagbaba ng mga respondent na itinuturing na katiwalian ang insider trading at ang hindi pagdedeklara ng conflict of interest.
Naniniwala rin ang karamihan na lumala ang katiwalian sa nakalipas na taon. Sa kabila ng bahagyang pagluwag sa pananaw, 74% ng mga Pilipino ang naniniwalang lumala ang katiwalian sa gobyerno sa nakalipas na 12 buwan, mas mababa kumpara sa 85% noong Setyembre 2025.
Nasa 7% lamang ang nagsabing bumaba ang katiwalian, habang 19% ang naniniwalang nanatili ito sa parehong antas.
May nakitang pagkakaiba ayon sa rehiyon: ang mga respondent sa Mindanao ang may pinakamataas na porsiyento na nagsabing tumaas ang katiwalian (94%), habang mas mababa naman ito sa Visayas (66%).
Natanong din sa nabanggit na survey kung normal ba ang katiwalian sa politika ng Pilipinas. Hati ang opinyon ng publiko kung likas na bahagi na ng politika sa Pilipinas ang katiwalian. Aabot sa 41% ang sumasang-ayon na “normal” ito, 43% ang hindi sumasang-ayon, at 17% ang nananatiling hindi tiyak.
Kapansin-pansing karamihan sa mga taga-Mindanao (58%) at mga kabilang sa Class C (51%) ang tumatanggi sa ideyang normal ang katiwalian.
Samantala, mas maraming respondent sa Metro Manila (50%) at Visayas (48%) ang naniniwalang bahagi na ito ng pulitika.
Isinagawa ang survey sa panahong kasabay ng sunod-sunod na mahahalagang pangyayari, kabilang ang mga alegasyon ng anomalous budget insertions, mga kasong katiwalian na kinasasangkutan ng mga mambabatas at matataas na opisyal, pagbibitiw ng ilang miyembro ng Gabinete, malawakang kilos-protesta para sa pananagutan, at mga imbestigasyon sa flood control at infrastructure projects.
Binigyang-diin ng Pulse Asia na isinagawa nang independent ang survey ng kanilang mga academic fellows at hindi naimpluwensiyahan ng anumang grupong politikal, panrelihiyon, o partidista.
Merlina Hernando-Malipot