January 26, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Sa nakalipas na dekada: Traslacion 2026, pinakamaagang nagsimula pero pinakamatagal natapos

Sa nakalipas na dekada: Traslacion 2026, pinakamaagang nagsimula pero pinakamatagal natapos
courtesy: Mark Balmores/MB

'MAKASAYSAYANG 30 ORAS NA PRUSISYON'

Matapos ang halos 31 oras, nakarating na rin sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno, o mas kilala bilang Quiapo Church, ang andas ng Poong Jesus Nazareno, na sinasabing nagmarka sa pinakamahabang Traslacion sa kasaysayan, bago at matapos ang pandemya.

Mahigit pitong milyong deboto ang nagtiis sa matinding siksikan, naghintay nang napakatagal upang masaksihan at makibahagi sa taunang prusisyong dantaon nang ginagawa.

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Traslacion, ipinag-utos ng Quiapo Church officials ang pansamantalang pagtigil ng Andas ng Poong Jesus Nazareno sa San Sebastian Church, matapos ang tradisyunal na “Dungaw." Mahigit 24 na oras na rin ang nakalipas bago ito makarating sa naturang simbahan.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Nakikilala ba ang personality ng isang tao base sa sulat-kamay?

Gayunpaman, hindi natinag ang matibay na pananampalataya ng mga deboto, kung kaya't hindi nila sinang-ayunan ang kautusang ito at mas naging determinado pang maiuwi sa Quiapo Church ang Poong Jesus Nazareno. Sama-sama nilang inabante ang andas.

Maki-Balita: 'First time!' Quiapo Church, ipinag-utos na itigil pansamantala ang Andas sa San Sebastian Church

Sa nakalipas na isang dekada, ang Traslacion 2026 ang pinakamaagang nagsimula ngunit pinakamatagal na natapos.

Nagsimulang umalis ang andas sa Quirino Grandstand alas-4:00 ng madaling araw noong Biyernes, Enero 9, at nakarating ng Quiapo Church ng alas-10:50 ng umaga nitong Sabado, Enero 10.

30 oras at 50 minuto ang ginugol ng andas sa dinaanan nitong tatlong parke at plaza, pitong tulay, isang underpass, at 18 kalye sa Maynila.

Narito ang oras na inabot ng Traslacion mula 2016 hanggang sa kasalukuyan:

2016 (Mahigit 20 oras) 
Pag-alis sa Quirino Grandstand – 6:00 AM ng Enero 9
Pagdating sa Quiapo Church – 2:02 AM ng Enero 10

2017 (Mahigit 22 oras)
Pag-alis sa Quirino Grandstand – 5:28 AM ng Enero 9
Pagdating sa Quiapo Church – 3:10 AM ng Enero 10

2018 (22 oras) 
Pag-alis sa Quirino Grandstand – 5:00 AM ng Enero 9
Pagdating sa Quiapo Church – 3:30 AM ng Enero 10

2019 (21 oras)
Pag-alis sa Quirino Grandstand – 5:03 AM ng Enero 9
Pagdating sa Quiapo Church – 2:21 AM ng Enero 10

2020 (16 na oras)
Pag-alis sa Quirino Grandstand – 4:13 AM ng Enero 9
Pagdating sa Quiapo Church – 8:49 PM ng Enero 9

2021 hanggang 2023 (kanselado dahil sa Covid-19 pandemic)

2024 (Halos 15 oras) 
Pag-alis sa Quirino Grandstand – 4:45 AM ng Enero 9
Pagdating sa Quiapo Church – 7:44 PM ng Enero 9

2025 (Halos 21 oras)
Pag-alis sa Quirino Grandstand – 4:41 AM ng Enero 9
Pagdating sa Quiapo Church – 1:26 AM ng Enero 10

2026 (Halos 31 oras)
Pag-alis sa Quirino Grandstand – 4:00 AM ng Enero 9
Pagdating sa Quiapo Church – 10:50 AM ng Enero 10