Nag-viral sa social media ang alagang uwak ng alkalde ng bayan ng President Roxas, Capiz matapos nitong tangayin ang ₱10,000 na nakalaan sana bilang bonus, ayon sa kumpirmasyon ng mga lokal na opisyal.
Ayon kay Mayor Receliste Lachica Escolin, ang pera ay inilagay sa isang mesa at nakatakdang ipamahagi bilang bonus sa kaniyang negosyo. Pansamantala umano niyang naiwan ang salapi habang abala siya sa paglista ng mga gamit.
Sinabi ng alkalde na bigla umanong lumipad ang uwak patungo sa mesa, dinampot ang bungkos ng pera, at lumipad palayo.
Nakita pa umano ang ibon na dumapo sa bubong ng isang kalapit na bahay habang hawak ang pera.
Umani ng aliw mula sa mga netizen ang kumalat na video ng insidente. Sa nasabing video, makikitang tinutuka ng uwak ang mga perang papel at may ilan pa umanong nalaglag sa lupa, na nagdulot ng samu’t saring reaksyon online.
Kinumpirma ni Escolin ang pagiging totoo ng video at sinabi na matagal na nilang alaga ang naturang uwak.
Wala naman umanong ulat na tuluyang nawala ang pera matapos ang insidente.