Nahaharap sa reklamong panggagahasa ang isang pulis sa Maynila matapos umanong gahasain ang isang 27-anyos na babae na pinaniniwalaang nilagyan ng pampahilo ang inumin habang nasa isang bar sila
Ayon sa mga ulat, lumapit ang biktima sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) upang humingi ng tulong matapos ang insidente.
Batay sa CCTV footage, makikita ang suspek—isang patrolman—na pasan ang wala umanong malay na biktima habang papasok sa isang motel sa Sampaloc, Maynila bandang alas-6 ng umaga noong Disyembre 4, 2025. Tinulungan pa umano ng isang staff ng motel ang suspek upang maipasok ang babae sa loob ng kuwarto.
“Nung nagising ako nakadiin siya sa kamay ko. Parang nagkaroon ako ng pasa dito. Pinipilit kong lumaban pero hindi ako makalaban kasi nanghihina ako ng oras na yun,” pahayag ng biktima sa media.
Ayon sa biktima, agad siyang lumabas ng motel nang magkaroon ng pagkakataon kahit nakakaramdam pa umano ng hilo. Sumunod pa raw sa kaniya ang suspek.
“Nung mga oras na yun natakot ako. Iniisip ko kung mag-hysterical ako at magwawala ako, puwedeng may gawin siyang masama sa akin. Puwede niyang iputok ang baril. Pero ang sinasabi niya sa akin ‘wag ka muna umalis at mag-usap muna tayo,” dagdag niya.
Bago ang insidente sa motel, nakuhanan din ng CCTV ang biktima na inilabas na walang malay mula sa isang bar sa Tomas Morato, Quezon City, habang nakaupo sa wheelchair. Isinakay siya sa sasakyan ng suspek, na tinulungan pa ng isa pang pulis.
Hinala ng biktima, may inihalo umano ang suspek sa kaniyang inumin. Aniya, inimbitahan lamang sila ng kaibigan sa bar at wala siyang inaasahang masama.
“Nung time na huling CR ko, may naiwan akong baso na may laman. Nung huling inumin ko yun medyo okay pa ako pero after ilang minutes, nag-iba na ang pakiramdam ko at totally nag-blackout na ako. Wala na akong maaala,” kuwento niya.
“Kaibigan namin siya ilang taon na kaya tiwala ako. Kababata namin siya, kumpare siya ng asawa ko. Anong ginawa mo sa akin? Binaboy mo ko. Ginahasa mo ako,” giit ng biktima.
Sa resulta ng medico-legal examination, lumitaw na positibong nagalaw ang biktima. Gayunman, mariing itinanggi ng kampo ng suspek ang akusasyon.
Ayon naman sa Manila Police District, hindi nila kukunsintihin ang insidente at bibigyan ng agarang resolusyon ang kasong administratibong isinampa laban sa kanilang tauhan. Bukod pa rito, may hiwalay na kasong kriminal na isinampa laban sa suspek.