Umakyat na sa apat ang bilang ng mga nasawi sa kamakailan na pagguho ng Binaliw landfill, ayon sa pahayag ni Cebu City Mayor Nestor Archival, nitong Sabado, Enero 10.
Base pa sa pahayag ng alkalde, 12 indibidwal na ang nadala sa ospital, habang nagpapatuloy pa ang “search and rescue operations” para mahanap ang naitalang 36 pang nawawala mula sa pagguho.
“As of the latest data, 12 individuals have been brought to hospitals, 4 fatalities confirmed, and operations continue for remaining missing persons,” ani Archival.
Binanggit din niya na kasalukuyang nagsasagawa ng pagsasaayos ng kuryente, sanitation facilities, rest areas ng rescuers, internet connectivity, at housekeeping sa lugar ng pagguho.
“Power restoration, sanitation facilities, rest areas for rescuers, internet connectivity, and proper housekeeping at the site are being addressed concurrently,” pagtitiyak ng alkalde.
Kasabay na rin daw rito ang paghahanda para maisaayos ang isyu ng pangongolekta ng mga basura sa landfill, mga pansamantalang istraktura sa site, at dokumentasyon para sa death certification.
“Preparations are also underway to manage the looming garbage collection issue, temporary staging arrangements, and documentation for death certification and release of remains,” saad pa ni Archival.
Base sa ilan pang ulat, nakaapekto rin sa pundasyon ng landfill ang pagyanig ng magnitude 6.9 na lindol sa probinsya noong Setyembre 30.
Bukod pa rito, ang Binaliw Landfill ang nagsisilbing lalagyan ng basura ng Cebu City, kaya sa kasalukuyan, mayroong 600 toneladang basura ang inaasahang tatanggalin dito sa kasagsagan ng search and rescue operations.
Matatandaang naiulat na gumuho ang Binaliw Landfill sa Cebu City noong Huwebes, Enero 8.
Personal naman na pumunta si VP Sara Duterte sa Cebu, nito ring Enero 10 para kumustahin at makiramay sa mga biktima ng nasabing pagguho.
MAKI-BALITA: VP Sara nakiramay, personal na bumisita sa mga biktima ng Binaliw Landfill Landslide sa Cebu
Sean Antonio/BALITA