Ibinahagi ni ABS-CBN News chief reporter Jeff Canoy ang tila himalang nangyari umano sa kasagsagan ng kaniyang 2026 Traslacion coverage.
Sa latest Facebook post ni Jeff nitong Sabado, Enero 10, sinabi niyang kumalas ang camera niya sa rig habang nagko-cover siya malapit sa Andas noong Biyernes, Enero 9.
“Kahapon sa Nazareno, habang nag-cocover malapit sa Andas, biglang kumalas ‘yong camera ko sa rig matapos magtumbahan kaming magkakasama sa may center island na may bougainvillea (na matinik pala),” lahad ni Jeff.
“For a few minutes,” pagpapatuloy niya, “tinanggap ko ‘nang wala na ang camera. Kasi saan at paano ko pa hahanapin ‘yon. Naisip ko, iiyak ko na lang pag-uwi. Haha.”
Ngunit gayon na lamang ang gulat niya nang bigla umanong may tumapik sa likod niya para iabot ang kumalas na camera.
“Pag tingin ko, naka-roll pa rin at makikita ang pagpasa-pasa para makabalik sa akin. Isang ganap na himala. Proof that even in chaos, there is always kindness,” anang mamamhayag.
Kaya naman pinasalamatan niya sa huling bahagi ng post ang mga tumulong na maibalik ang camera.
Matatandaang isa si Jeff sa mga mamamahayag na halos dalawang dekada nang ibinabalita ang kapistahan ng Poong Hesus Nazareno taon-taon.