January 25, 2026

Home BALITA

Drogang tinangkang ipuslit sa hamburger sa kulungan, kalaboso!

Drogang tinangkang ipuslit sa hamburger sa kulungan, kalaboso!

Arestado ang isang 52-anyos na lalaki matapos tangkaing ipuslit ang hinihinalang ilegal na droga sa loob ng Jose Panganiban Municipal Police Station (MPS) sa pamamagitan ng pagtatago nito sa isang burger bandang 5:51 ng hapon nitong Biyernes, Enero 9.

Ayon sa pulisya, nagtungo ang suspek sa himpilan upang dalawin ang kaniyang live-in partner na kabilang sa mga Persons Under Police Custody (PUPC), at may dalang pagkain na ibinigay umano sa detenido.

Kinilala ang suspek bilang isang gold panner at residente ng Barangay Luklukan Sur sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte.

Sa ulat ng pulisya, nadiskubre ng duty jailer ang isang tissue paper na naglalaman ng dalawang heat-sealed transparent plastic sachets na may hinihinalang shabu habang nagsasagawa ng regular na inspeksyon sa mga dalang pagkain para sa mga bilanggo.

National

‘Sila ay mga bayani!’ VP Sara, binigyang-pugay legasiya, alaala ng SAF 44

Tinatayang may bigat na humigit-kumulang 1.3 gramo ang nakuhang droga na may halagang ₱8,840. Agad na inaresto ang suspek matapos matuklasan ang ilegal na laman ng pagkain.

Ayon sa mga imbestigador ng Jose Panganiban MPS, dati nang naaresto ang live-in partner ng suspek dahil sa umano’y pagbebenta ng ilegal na droga.

Kasalukuyan nang inihahanda ng pulisya ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng kasong kriminal laban sa suspek, na mahaharap sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.