Mariing nilinaw ng award-winning actor at Kapuso Drama King na si Dennis Trillo ang mga usap-usapang kinasasangkutan niya at ng kaniyang asawang si Jennylyn Mercado, kasunod ng pagkalat ng ilang isyung may kinalaman sa kanilang personal na buhay.
Matatandaang kamakailan lamang, napag-usapan nina Ogie Diaz at co-hosts sa entertainment vlog na "Ogie Diaz Showbiz Updates" ang tsikang tila hindi umano maayos ang relasyon ni Jennylyn sa in-laws niya o mga magulang ni Dennis.
Dagdag pa, apat na taon na umanong hindi nakakasalamuha ni Jen at in-laws ang isa't isa, ayon umano sa source ni Ogie.
Na-pick up naman ito ng iba't ibang media outlets at social media pages at ibinalita na nga.
Sa isang Facebook post, hindi man direktang binanggit, subalit tila sagot ito ni Dennis tungkol sa isyu. Ipinahayag ni Dennis ang matibay niyang pagmamahal at paggalang sa kaniyang asawa, na ayon sa kaniya, isa sa mga pinakamabuting taong dumating sa kaniyang buhay. Aniya, isang pribilehiyo para sa kaniya na mapiling makasama ni Jen habambuhay.
Bukod dito, nanawagan din ang aktor na igalang ang kaniyang mga magulang na hindi bahagi ng showbiz at namumuhay lamang nang tahimik. Binanggit niyang may edad na ang mga ito at hindi nararapat na madamay pa sa anumang isyu o haka-haka na umiikot sa social media.
"Sa mga hindi po nakakakilala sa aking asawa , isa siya sa pinakamabuting tao sa buhay ko. Isang pribilehiyo na ako ang pinili niyang makasama habang buhay," mababasa sa post ni Dennis.
"Ang mga magulang ko naman ay may edad na po. Hindi din sila showbiz at tahimik lang sila na namumuhay... wag naman sana sila bigyan ng isyu."
Nilinaw rin ng Kapuso star na maayos ang samahan nila bilang pamilya, kahit pa hindi sila laging magkasama dahil sa kani-kaniyang abalang iskedyul sa trabaho. Ayon sa aktor, nananatiling buo at matatag ang kanilang relasyon sa kabila ng pagiging abala sa kani-kanilang karera.
Sa huli, hinikayat ni Dennis ang publiko na magpokus na lamang sa pagiging mabuting tao, lalo na’t marami umanong mas mahahalagang problemang kinahaharap ang bansa na dapat pagtuunan ng pansin. Paalala niya, maikli lamang ang buhay kaya mas mainam umanong piliin ang maging masaya at mabuti araw-araw.
"2026 na po, magfocus nalang tayo sa pagiging mabuting tao. Madaming problema ang ating bansa na mas kailangan nating pagtuunan ng pansin. Maiksi lang ang buhay, piliin natin maging masaya at mabuti araw araw," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Dennis Trillo/FB
Kalakip ng kaniyang post ang hashtag na #MagingMabutingTao.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Ogie tungkol dito.