January 25, 2026

Home BALITA Politics

Congressmeow, 'di raw pipirma sa panibagong impeachment case laban kay VP Sara

Congressmeow, 'di raw pipirma sa panibagong impeachment case laban kay VP Sara

Hindi pipirma sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte si Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga, kahit pa sang-ayon siya na dapat imbestigahan ang paggamit ng bise presidente sa confidential funds.

Sa isang pahayag na ibinahagi online nitong Sabado, Enero 10, 2026, sinabi ni Barzaga na bagama’t naniniwala siyang kailangang busisiin ang paggastos ng Office of the Vice President (OVP) sa confidential funds, mas mabigat umanong isyu kung gagamitin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pondo ng bayan upang impluwensiyahan ang mga mambabatas para suportahan ang impeachment laban kay Duterte.

“I will not be signing the impeachment complaint against Vice President Duterte, while I agree that her usage of confidential funds must be investigated, President Marcos spending billions of public funds in order to bribe Congress into voting for VP Duterte’s impeachment is ultimately a far greater crime than anything VP Duterte is accused of,” ayon sa pahayag ni Barzaga.

Ayon sa kongresista, hindi dapat mauwi sa umano’y pamumulitika ang proseso ng pananagutan at pagsusuri sa paggamit ng pondo ng gobyerno. Binigyang-diin niya na ang imbestigasyon sa confidential funds ay dapat isagawa sa loob ng mga umiiral na mekanismo ng batas at hindi sa pamamagitan ng impeachment na maaaring magdulot ng higit pang pagkakahati-hati sa politika.

Politics

Torre kinarga ang 'sexy misis,' hinikayat tumakbo sa 2028

Lumabas ang pahayag ni Barzaga sa gitna ng patuloy na diskusyon sa Kamara ng mga Representante hinggil sa panawagang ihain ang impeachment complaint laban kay Vice President Duterte kaugnay ng paggamit ng confidential at intelligence funds. Ilang mambabatas at grupo ang nananawagan ng masusing imbestigasyon, habang may ilan namang naniniwalang sapat na ang mga pagdinig at pagsusuri ng mga komite ng Kongreso.

Samantala, nananatiling tikom ang kampo ni Vice President Duterte sa isyu ng posibleng impeachment, bagama’t dati na nitong iginiit na handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon hinggil sa paggamit ng pondo ng kanyang tanggapan.

Patuloy namang binabantayan ng publiko at iba’t ibang sektor ang magiging susunod na hakbang ng Kamara kaugnay sa isyu, na itinuturing na isa sa pinakamainit na usaping pampulitika sa bansa sa kasalukuyan.