Malaking responsibilidad ang kaakibat para matawag na abogado. Inaasahan sa kanila ng lipunan ang pagpanig sa hustisya at katarungan.
Kaya siguro gayon na lang ipagbunyi ng marami ang pagpasa sa Bar examinations matapos ang ilang taong pag-aaral.
Mula sa 11,420 na kumuha ng nasabing pagsusulit noong Setyembre 2025, umabot sa 5,594 ang mga nakapasa batay sa resultang inilabas ng Korte Suprema noong Miyerkules, Enero 7.
Katumbas ito ng passing rate na 48.98%.
Isa sa mga nakasama sa listahan ng 20 Bar Topnotcher ay si Randall Lipnica Pabilane, 29 taong gulang, at kasalukuyang nagtatrabaho bilang junior legal associate sa isang law office.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, sinabi ni Pabilane na kinakabahan umano siya noong naghihintay siya ng resulta ng Bar exam sa Korte Suprema.
“Kasi 50/50 kung papasa ako o hindi,” anang bar topnotcher. “Especially halos 50% ‘yong passing rate. So talagang kalahati lang ‘yong chance kung papasa ako o hindi.”
Ayon kay Pabilane, unang subok niya ito sa Bar exam. Matapos umano ang final exam niya noon sa law school, nagsimula na agad siyang mag-review araw-araw bilang paghahanda.
“Usually ang ginagawa ko, bawat linggo ibang subject. Tapos next week ibang subject ulit. So buong linggo ‘yon,” lahad niya.
Dagdag pa ni Pabilane, “May mga subject katuald ng remedial law na talagang napakahaba. So tatlong linggo ko ‘yong inaaral. Wala akong ibang ginagawa no’n kundi mag-aral.”
Bago mag-law school, kumuha si Pabilane ng AB Philosophy sa seminaryo bilang pre-law course. Plano raw kasi talaga niyang magpari.
Bagama’t hindi natuloy ang orihinal na plano, malaki umano ang naitulong sa kaniya ng pilosopiya bilang law student. Nagamit niya ang kaniyang mga natutuhan dito sa mga araling nakatuon halimbawa sa sistema ng pamahalaan at polisiya.
Ani Pabilane, nagsilbi umanong inspirasyon ang kapatid niyang abogado para tahakin ang parehong larangan.
Nagustuhan niya ang ideya na ang pag-aabogado ay isang propesyong pumoprotekta at nagtatanggol sa mga inaapi.
Ngunit aminado siyang kadikit ng ganitong propesyon ang takot at pangamba mula sa posibleng panganib.
Sabi niya, “Kapag ginagawa mo ‘yong tama, posibleng mayro’n kang makabanggang mga tao. Ang masasabi ko, kailangan maging malakas ang loob ng mga abogado para manatili sa tama kahit na may mga danger.”
Kaya naman bilang abogado, dapat umano silang maging matatag sa pagtatanggol ng tuntunin ng batas lalo na sa gitna ng umiigting na korupsiyon, inhustisya, at pang-aabuso.
“Kailangan talagang pagsikapan ng mga abogado na i-uphold ‘yong rule of law at labanan ‘yong mga katiwalian sa ating bansa para naman maging maayos ‘yong sistema ng ating bansa,” saad ni Pabilane.
Samantala, wala umanong balak si Pabilane na pumasok sa politika matapos siyang mausisa hinggil dito. Masaya raw siya ngayon sa kaniyang trabaho.
“Plan ko na magpatuloy ngayon dito kasi nagagawa ko ‘yong mga gusto kong gawin,” aniya. “Katulad ng sinabi ko kanina, pinagtatanggol [at] pinoprotektahan ‘yong mga karapatan ng tao. Kasi sa litigation gano’n, e.”
Nakakuha si Pabilane ng 89.4125% bilang kabuuang grado sa bar exam.