Bukod pa sa pumanaw na tabloid photojournalist na si Itoh San noong Biyernes, Enero 9, 2026, may naitala pang dalawang (2) kaso ng nasawing mga deboto sa pakikiisa nila sa Traslacion ng Poong Hesus Nazareno base sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon sa ulat ng GMA News nitong Sabado, Enero 10, hindi pa naglalabas ng detalyadong impormasyon ang NCRPO tungkol sa dahilan ng pagkasawi nila ngunit tiyak daw na hindi kabilang doon si Itoh San.
Bukod pa rito, kinumpirma rin mismo ng pamunuan ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazarene ang dalawang kasong ito ng pagkamatay ng hindi pa nakikilalang mga deboto.
“For the record, ito po ang confirmed records at this time point in time. We have 1,700 cases, two of which, it was confirmed, are death cases[...] Sila ay involved sa prusisyon,” ani Fr. Robert Arellano sa isinagawa nilang press conference nito ng Sabado.
Dagdag pa niya, “Then meron pa tayo isang journalist (na namatay). All in all, tatlo po.”
Matatandaang unang naitalang pumanaw ang tabloid photojournalist na si Itoh San sa kasagsagan ng coverage para sa Pista ng Poong Nazareno sa Quirino Grandstand madaling-araw ng Biyernes, Enero 9, 2026.
MAKI-BALITA: Photojournalist, nasawi sa Traslacion 2026 coverage
Ayon sa mga ulat, atake umano sa puso ang ikinamatay ni Itoh kung saan bumagsak siya mula sa pagkakatayo, nangisay, at bumula rin ang bibig.
Bagama’t nagawang isugod sa ospital, binawian din siya ng buhay.
Bago pa man ito, ilang araw na umanong may flu si Itoh ngunit patuloy pa ring ginampanan ang trabaho sa kabila ng kondisyon ng kalusugan.
Pumanaw si Itoh sa edad na 55.
MAKI-BALITA: 'Bilang ng mga debotong dumagsa sa Traslacion 2026, pinakamarami sa kasaysayan!'—spox
MAKI-BALITA: 'First time!' Quiapo Church, ipinag-utos na itigil pansamantala ang Andas sa San Sebastian Church
Mc Vincent Mirabuna/Balita