Personal muling bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa San Francisco High School sa Quezon City upang tingnan ang aabot umano sa 60 na silid-aralang itinatayo dito.
Ayon sa naging pahayag ni PBBM sa media nitong Biyernes, Enero 9, sinabi niyang sa halip na 12 na silid-aralan, aabot sa 60 pinagsamang bilang ng itatayong classroom sa San Francisco High School mula sa inisyatiba ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa tulong ng SM Foundation.
“Nandito ngayon tayo sa Quezon City, San Francisco High School campus Dahil kung maaalala ninyo, ito ‘yong nasunog at kailangan nating baguhin,” pagsisimula niya.
Paliwanag pa niya, “Ngunit ang itatayo natin na bagong school building dito, instead of 12 classrooms, magiging 36 classrooms. Napakiusapan natin ang SM na magtayo din ng 24 classrooms.”
Ani PBBM, muli raw magbubukas ang nasabing paaralan bago magsimula ang Taong Panuruan 2026-2027 sa darating na buwan ng Hunyo.
“Kaya ito na ‘yong construction para sa mga bagong classroom na gagawin ng Public Works para sa DepEd Ang schedule nito, matatapos ito by the beginning of the next School Year—sa June puwede nang gamitin ito,” pagsisigurado niya.
Bukod sa pagbisita, isinabay na rin daw nila ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Department of Education (DepEd) para sa pagsusulong ng YAKAP Program sa naturang komunidad.
“Kasama dito sa ating pinuntahan ‘yong ating pag-coordinate between PhilHealth at saka DepEd para sa YAKAP Program. Kung makikita ninyo ‘yong dinaanan natin, merong nagbibigay ng mga forms. Pati na ‘yong mga magulang, nireregister na rin sa PhilHealth…” aniya.
Dagdag pa niya, ““Patuloy nating i-encourage ‘yong YAKAP Program for student. But also as I’ve said, we’re also registering the teachers, the parents, all of the personnel around here—the entire community.”
“We look forward to the completion of this by the beginning of the next School Year,” pagtatapos ng Pangulo.
Matatandaang personal na bumisita na rin si PBBM sa San Francisco High School upang tingnan ang napinsala rito matapos magkaroon ng sunog noong Hunyo 18, 2025.
"Inatasan ko ang DPWH na agad simulan ang pagpapatayo ng mas ligtas, mas malaki at mas maayos na gusali ng San Francisco High School," aniya.
"Pinatitiyak ko rin ang pagsuri at pag-upgrade ng electrical systems sa lahat ng paaralan sa bansa para maiwasan ang ganitong insidente," ayon pa sa Pangulo
MAKI-BALITA: PBBM, bumisita sa nasunog na paaralan sa QC, may atas sa DPWH
MAKI-BALITA: PBBM, bumida sa paglulunsad ng Project AGAP.AI sa QC
Mc Vincent Mirabuna/Balita