Naglabas ng sentimyento ang ina ni Jerlyn Doydora dahil sa pagkasawi ng kaniyang anak sa umano’y naging engkwentro ng mga sundalo at rebeldeng grupo sa Mindoro kamakailan.
Sa isang media forum na ginanap nitong Biyernes, Enero 9, pinapanagot ng ina ni Jerlyn si Kabataan Party-list Rep. Renee Co sa sinapit ng anak niya.
“Ikaw, Renee Co, kayong lider ng kawalang-hiyaang Kabataan Party-list na ‘yan. Ikaw dapat ang managot niyan. Kasa-kasama mo pa siya [Jerlyn] sa picture. Walang hiya ka,” anang ina.
Bukod dito, nanawagan din siya sa grupo na itigil na umano ang paggamit sa mga larawan ng kaniyang anak para umapela ng hustisya.
Aniya, “Tigilan n’yo na po. Buhay na po ng anak ko ang kinuha n’yo [at] ninakaw pati mga pangarap niya.”
Samantala, ayon naman sa opisyal na pahayag ng Kabataan Party-list, biktima umano si Jerlyn ng militarisasyon sa kanayunan.
“Ito ay kontra-insurhensiyang gera na pinaglulustayan ng bilyon-bilyong piso ng buwis ng taumbayan taon-taon na sa dulo ay nagnanakaw ng buhay at kabuhayan ng ordinaryong Pilipino,” anila.
Bago pumanaw, si Jerlyn ay nagsilbi bilang Kabataan Partylist General Secretariat at estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa ilalim ng programang Bachelor of Secondary Education major in English.